UNCONDITIONAL CASH TRANSFER O UNIVERSAL BASIC INCOME?

(Pagpapatuloy)
ISANG eksperimento kaugnay ng UBI ang sinimulan sa Stockton, California noong 2019. Ito ang unang eksperimentong UBI sa bansa at inihanda ito upang tumakbo sa loob ng dalawang tao.

Nang matapos ang programa, itinuring itong isang tagumpay. Narito ang ilan sa resulta: mas mataas ang antas ng nagkaroon ng trabahong full-time sa grupo na may natanggap na UBI kaysa sa grupong wala nito. Bukod pa rito, mas maganda ang kalusugang pangkaisipan (mental health) at mas maginhawa ang pakiramdam ng mga kabilang sa grupong UBI.

Ang isa sa mga kabilang sa eksperimentong ito ay nagsabing nakatulong umano ang salapi upang makakuha siya ng full-time na trabaho dahil nagawa niyang sumailalim sa isang internship na walang bayad. Ang isa pang miyembro ng grupo ay nagsabi namang nakuha niya ang kanyang lisensiya sa real estate dahil nagawa niyang bawasan ang oras ng kanyang pagtatrabaho.

Pinatunayan na ng iba’t ibang mga pag-aaral na ang seguridad sa pananalapi ay katumbas din ng pagkabawas ng alalahanin at suliranin. Marami sa mga kasama sa eksperimento sa Stockton ay nag-ulat na nabayaran umano nila ang kanilang mga pagkakautang o nakalipat sa tahanang mas maayos sa tulong ng UBI. Dahil dito, naging mas maalwan at maginhawa ang kanilang buhay. Nagkaroon sila ng kapayapaan at kaligayahan sa buhay.

Siguradong marami pang ibang aspeto ng UBI ang kailangang pag-aralan. Ngunit sigurado ring karapat-dapat itong tingnang mabuti, lalo na’t ang mga lipunan at bansang sumubok na nito ay nakapagbigay ng ginhawang pampinansiyal sa kanilang mga mahihirap na mamamayan. Bukod pa rito, malaki rin ang benepisyo pagdating sa kalidad ng buhay at katatagan ng kanilang sitwasyong pampinansiyal.