(Basta rehistrado sa LTO) UNCONSOLIDATED PUVs PUWEDE PA HANGGANG ABRIL 30

MAAARI pang pumasada ang unconsolidated public utility vehicles (PUVs) hanggang Abril 30 basta nakarehistro ang mga ito sa Land Transportation Office (LTO), ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Tinukoy ni LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III ang Memorandum Circular 2024-001 na nag-isyu ng guidelines sa consolidation nang palawigin ito at nagkaloob ng provisional authority sa unconsolidated individual operators na mag-operate hanggang sa deadline ng pagpapalawig ng consolidation sa Abril 30.

Confirmation of units of unconsolidated individual operators may be allowed until April 30, 2024. The said units are allowed to ply the route as PUV only within the said period,” nakasaad sa memorandum.

Ginawa ng LTFRB ang pahayag makaraang magreklamo ang ilang transport groups na hinuhuli ang unconsolidated jeeps.

Ayon kay PISTON national president Mody Floranda, isa sa kanilang jeepney drivers ang sinita at hiningan ng kopya ng kanyang provisional authority extension.

Sinabi naman ni Manibela chairperson Mar Valbeuna sa House of Representatives panel na 10 sa kanilang jeepneys ang na-impound makaraang wala silang maipakitang consolidation papers.

Nauna rito ay inaprubahan ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. ang rekomendasyon ni Transportation Secretary Jaime Bautista na palawigin ng tatlong buwan ang industry consolidation component ng Public Transport Modernization Program (PTMP).