PAMPANGA – NAGING matagumpay ang pinaigting na pagbabantay at hakbang ng mga tauhan ng Police Regional Office 3 sa pamumuno ni BGen Redrico Maranan sa paglatag ng seguridad sa katatapos na paggunita sa Undas.
Ani Maranan, naging mapayapa at maayos ang sitwasyon sa buong Central Luzon kahit pa dumagsa ang publiko sa mga sementeryo.
Maliban sa pagsusugal sa loob ng isang sementeryo sa Sto Domingo, Nueva Ecija, insidente ng pagsuway sa mga pulis sa La Paz, Tarlac at pagdadala ng baril ng isang nagpakilalang army na walang kaukulang dokumento sa Cuyapo Public Cemetery ay wala nang naitalang major untoward incidents sa paggunita ng Undas.
Nakakumpiska rin ng mga ipinagbabawal na gamit sa mga sementeryo kagaya na lamang ng mga matatalim na bagay, mga alak, mga gamit pangsugal, at iba pa.
“Kami po ay patuloy na nakaantabay upang masiguro ang kaligtasan ng ating publiko sa pagdalaw nila sa kanilang mga yumaong mahal sa buhay gayundin naman sa kanilang pagbabalik sa kani-kanilang mga trabaho,” ani Maranan.
EUNICE CELARIO