UNDERGROUND LPG TANK MANUFACTURER NAMAMAYAGPAG

MASAlamin

MUKHANG nababalewala ang inilunsad ng Department of Energy  (DOE) at Department of Trade and Industry (DTI) na masusing pagbabantay laban sa mga ilegal na pagawaan ng propane tank o liquified petroleum gas (LPG) sa Metro Manila.

Ito ay dahil na rin may mga nakalulusot. Isa sa sinasabing underground na pagawaan ng LPG o propane tank ay ang NPL Metal Manufacturing na matatagpuan sa 7-B Ibaba Street, Barangay Bignay sa Valenzuela City kung saan ang may-ari nito ay  sinasabing isang Tsino na may alyas na Peter.

Sa pagsasaliksik ng ilang negosyante ng LPG tank, ang nabanggit na planta ay sinasabing may PS Mark na ibinigay ng DTI-BPS na katunayang maaari silang gumawa at magbenta ng iba’t ibang uri ng tangke ng propane o LPG.

Walang anumang ma­kinarya o heavy equipments para makabuo ng  LPG tank ang nasabing kompanya, sinasabing maging ang mga trabahador ay hindi pinapayagang pumasok sa planta kapag walang delivery.

Sa panayam sa mga trabahador ng nasabing planta sa Valenzuela City, lumilitaw na nagmula pa sa China ang mga pira-pirasong tangke ng propane tank na lulan ng container van ang ipinapasok sa pagawaan tuwing madaling araw sa loob ng isang buwan.

Dito na ina-assemble ang mga pira-pirasong bakal na balot ng kalawang kung saan sa pamamagitan ng welding equipment, iba pang gamit at spray paint ay nabubuo ang mga tangke na sinasabing hindi dumaan sa masusing pagsusuri ng Bureau of Phil. Standard ng DTI at DOE.

Dahil hindi rin dumaan sa sinasabing electrochemical, electro magnetic, at advanced materials technology ang temperature at humidity ng isang LPG tank ay maaari itong sumabog at magdulot ng disgrasya at kamatayan sa mga gu­magamit nito.

Sakaling isailalim sa masusing pagsusuri ang  LPG o propane tank mula sa nasabing kompanya ay hindi maaaninag ang manufacturing date (MFG date). Layunin ng mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na protektahan ang mga tumatangkilik ng colorless gas na nasa LPG o propane tank.

Nagkalat sa Metro Manila at karatig-lalawigan ang produkto ng  illegal trade kaugnay sa LPG tank na sinasabing mapanganib.

Panawagan sa kinuukulang ahensiya ng pamahalaan, partikular na sa National Bureau of Investigation (NBI), nawa’y gumawa ng mabilisang aksiyon laban sa underground LPG tank manufacturer bago pa makapaminsala ang mga ito sa taumbayan.

Comments are closed.