“UNDERSPENDING” NA BUDGET NG DA GAMITIN SA BIGAS

IGINIIT  ni Agri Partylist Representative Wilbert Lee na kailangan nang gamitin ng Department of Agriculture (DA) ang “underspending” o ‘di nagagamit na pondong inilaan ng Kongreso para sa alokasyon sa mga programa nito sa mga magsasaka upang mapababa na ang presyo ng bigas.

Sa panayam sa media kay Lee matapos ang forum sa Kamuning Bakery kamakailan iginiit nito na kailangan na gamitin ng DA ang mga pondong nakalaan para sa agrikulura upang makatulong ng mapababa ang presyo ng bigas at ang inflation ng bansa.

“Ang pera nito (DA) ay dapat nang gamitin. Ibigay na po sa magsasaka nang tama sa oras para po bumaba ang production cost…..Ang pinakamataas ay rice sa inflation.Tulungan po natin ang ating mga magsasaka,”sabi ni Lee.

Ayon pa rito, may pondong pantulong sana sa mga magsasaka ang DA subalit hindi naman nagagamit. “Andyan po sa DA (ang pera) so kailangan po maibaba na ito ng tama sa oras bilang ayuda sa mga magsasaka,”sabi ni Lee.

Ang pondong ito ay magpapababa umano sa production cost ng bigas at inflation na nararanasan ng bansa kapag naibigay na sa mga magsasaka sapagkat magagamit na ito na pambili bilang subsidies sa fertilizers, insecticides at pa para sa post harvest facilities.

Kailangan lamang aniya siguraduhin na pag may ani ay may tulong dapat ang DA sa mga magsasaka na may mga sigurado ring pagdadalhan ang mga ito tulad ng mga Kadiwa Centers na kung maaari ay maitatag na sa iba’ ibang panig ng Pilipinas upang makasiguro rin na may siguradong kikitain ang mga magsasaka.

Ipinaliwanag din ni Lee na ang isa sa posibleng dahilan din ng “underspending” ng DA at hindi agad mailabas ang pondo para sa mga programa nito ay dahil sa maraming mabibigat na requirements na pagdadaanan nito sa ibang ahensya ng pamahalaan.” Kaya may mga kinakausap na rin kami tulad ng COA (Commission on Audit). Kinakausap namin na isimplify na at bawasan na ang mga requirements,” sabi ni Lee. Dahil anya sa mga requirements nito hindi rin makabili agad ng bigas ang DA para mapababa ang inflation.

Samantala, binigyang pansin naman ni Lee ang naging pahayag ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. kamakailan na kaya hindi agad makabili ng bigas ang National Food Authority (NFA) ay dahil mahal ang mga bigas.

“Responsibilidad o obligasyon, primary responsibility ng pamahalaan ang food security. Nakakagastos nga tayo ng bilyon bilyon at trilyon sa ibang proyekto, bakit hindi paglaanan ng pondo ang patungkol sa pagkain? Para sa akin gaano man kamahal dapat paglaanan ing pondo ang pagkain ng ating mga kababayan,”giit nito.

Samantala, bukod sa kawalan ng pondo, isa rin sa nakaapekto sa ani ng mga magsasaka ng bigas ay ang tagtuyot dulot ng El Nino phenomenon.

Sa update ng Department of Agriculture, higit P2.5 bilyon na ang naitatalang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil dito. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia