INIIMBESTIGAHAN ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga report na naglipana sa bansa ang mga undocumented Chinese worker na sinasabing naaagawan ng trabaho ang mga Filipino.
Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na nagpatawag na siya ng pulong sa Department of Justice (DOJ) at Bureau of Immigration (BI) para masiyasat ang nasabing report.
Nakatakda ring isagawa ng DOLE ang mga pagsalakay sa mga establisimiyento na pinapasukan ng mga dayuhan nang walang kaukulang permiso.
Tiniyak ni Bello na mas prayoridad ng DOLE na mabigyan ng trabaho ang mga Pinoy kaysa sa ibang nasyon.
Target din ng DOLE ang iba pang mga banyaga na ilegal na nagtatrabaho sa bansa.
Kamakailan ay dinakip ng Immigration ang isang Indian national na nagmamay-ari naman ng isang cafe sa Ermita, Manila na walang working permit sa DOLE at visa sa BI.
Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na ipade-deport ang Indian national na nakilalang si Vel Murugan Ayyadurai, 49. FROILAN MORALLOS