‘UNEMPLOYMENT BENEFIT’ SA OFWs SA SINGAPORE

Benefits

NAKATANGGAP ng “unemployment benefit”  ang mga Pilipinong manggagawa sa Singapore na nawalan ng trabaho dahil sa krisis sa COVID-19 mula sa Philippine Overseas Labor Office (POLO) at sa Social Security System sa nasabing bansa.

Inisyuhan ang mga OFW ng Certificate of Involuntary Separation, isang requirement para sa mga kuwalipikadong OFW na miyembro ng SSS upang makuha ang benepisyo.

Ang SSS unemployment benefit ay isang tulong pinansiyal na sumasaklaw sa mga walang trabaho o nawalan ng trabaho kabilang ang mga OFW dahil sa redundancy, retrenchment, downsizing, paglalagay ng mga labor-saving device, at pagsasara o pagtigil ng operasyon ng kanilang kumpanya.

Para makakuha ng unemployment benefit, ang manggagawa ay dapat na miyembro ng SSS na hindi hihigit sa 60 na taong gulang sa panahon ng pagkawala nito ng trabaho at nakapagbayad ng hindi bababa sa 36 na buwang kontribusyon, kung saan ang 12 buwan ay dapat na 18 buwan na ‘immediately preceding the month of involuntary separation.’

Ang mga kuwalipikadong OFW na miyembro ng SSS ay maaaring makakuha ng halaga na katumbas ng average monthly salary credit (AMSC). Ang benepisyo ay isang beses lamang ibinibigay at dapat na makuha sa loob ng isang taon mula sa petsa ng pagkakaalis sa trabaho.

Samantala, may kabuuang 1,875 OFWs na nagtatrabaho sa nasabing bansa at naapektuhan ng pandemya ang nakatanggap ng AKAP mula sa DOLE na nagkakahalaga ng $200.

Nakatanggap din ng tulong pinansiyal mula sa OWWA Singapore ang may 75 COVID-infected OWWA-members nito na sa kabuuan ay nakapaglabas na ang POLO-Singapore ng $360K para sa programa.

Ang programang tulong pinansyal ng OWWA ay umaagapay sa financial assistance ng DOLE-AKAP para sa mga OFW na naapektuhan ang trabaho dahil sa COVID-19. PAUL ROLDAN

Comments are closed.