UNFINISHED WORKS OF ENTENG MANANSALA

OBRA-ENTENG

(Exclusive ni SUSAN CAMBRI, managing editor )

SA MAHABANG panahon na ginugol sa larangan ng sining, nakapag-iwan ang National Artist na si Vicente Silva Manansala ng legasiya sa mga Filipino.

Sumikat sa mga obrang sumasalamin sa kahirapan, sa katotohanan at kasimplehan ng buhay, katulad ng Barong-Barong  sa Taon 1950 na nagtamo ng parangal bilang Unang gantimpala sa Art Association ng Pilipinas sa eksibisyong ginanap sa Manila Grand Opera House, Ang Pulubi, Pila sa Bigas at marami pang iba.

Kabilang sa kanyang mga subject ay ang jeepneys, pagsasama-sama ng pamilya sa hapag, mga tindera sa Quia­po at mga sabungero.  Sa halos apat na dekada matapos siyang pumanaw, mara­ming collector at art enthusiasts ang interesado kung may unfinished works ba ang kilalang mo­dernong Filipinong pintor na kung tawagin din ay “Enteng.”

Ronna Manansala
ANG apo ni National Artist for Painting Vicente “Enteng” Manansala na si Ronna Manansala. Si Ronna ay isa ring artist at ipinagpapatuloy nito ang pangalan at legasiya ng kanyang lolo Enteng. Ang tema naman ng painting ni Ronna ay ang ballerina at mga sayaw gaya ng flamengo at tango.

Kilala sa estilong kubismo o cubism, ang labis na kasikatan  ni Ma­nansala ay naging dahilan ng panggagaya at pamemeke sa mga obra nito ng mga artist. Ilang taon, matapos ang kanyang kamatayan noong 1981 ay ilang mga obra ang lumabas, na sinasabing gawa ni Manansala, ngunit  paglaon ay natutuklasan na ang mga ito ay bogus pala.

Sa edad na 70 ay naging aktibo pa rin si Manansala sa pagpipinta sa kabila ng iniindang ka­ramdaman.

Ilang buwan bago ang pagkakaospital ay may mga  ipinipinta pa ito na hindi pa nalalantad sa publiko.

Eksklusibong ibinahagi sa PILIPINO Mirror ng apo ni Manansala na si Ronna Ma­nansala, isa ring artist, ang unfinished works ng kanyang lolo.

Kabilang sa hindi natapos na obra ng Pambansang Alagad ng Sining ay ang mga baba­eng nagbubulungan.  Bagama’t walang titulo ang artwork ay tinagurian ito ni Ronna na “Tsismosa”.

Ang isa pa ay ang Crucifixion.

Masarap isipin na ang isang Alagad ng Sining na halos ginugol ang buhay sa pagpipinta, na kahit na abutan ng panghihina ng  mga kamay sa pag­hawak ng brotsa o ng paglabo ng mga mata dahil sa iniindang karamdaman,  para sa kanya, hindi pa rin nanamlay o nawalan ng ningas ang pagkahilig sa paggawa ng  mga obra na alam niyang isang araw ay mga bakas na lamang ng hindi malilimutang alaala.

Comments are closed.