IGINIIT ni Senate Committee on Health and Demography chairman Senator Christopher Bong Go ang kahalagahan ng mga ospital na may kapasidad na tumutok sa COVID-19 cases para mas maging “unified”ang approach sa pandemic na hinaharap ng Filipinas at ng maraming bansa.
Ipinaliwanag ni Go na mas mahirap kung kalat-kalat sa iba’t ibang ospital ang mga pasyenteng positibo sa COVID-19.
Aniya, magiging mas madali para sa gobyerno ang pag-monitor sa kalagayan ng mga pasyente ng COVID-19 at mababawasan ang peligro ng exposure sa iba pang pasyente na non-infected ng virus.
Gayundin, mababawasan ang exposure ng mga health frontliner sa mga ospital sa COVID-19 at non-COVID patients.
Dagdag pa ni Go, hindi dapat matigil ang serbisyo sa mga pasyenteng may sakit sa puso, cancer, high blood, diabetes at iba pang karamdaman.
Tinukoy nito na ipinatupad na ito ni Davao City Mayor Sara Duterte kung saan itinalaga ang Southern Philippines Medical Center na siyang tututok sa mga PUI na nagpapakita ng mga sintomas ng COVID-19.
Tiniyak din ni Go na nakikinig ang gobyernong Duterte sa mga payo at hinaing ng medical professionals at health experts sa pagharap sa krisis ngayon ng virus sa bansa.
Una nang siniguro ng Department of Health na bilang pagtalima sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay magtatalaga sila ng mga ospital sa Metro Manila bilang specialized na magbibigay ng serbisyo sa mga Person Under Investigations at mga positibo sa COVID-19. VICKY CERVALES
Comments are closed.