NANAWAGAN ang isang kongresista kay Pangulong Rodrigo Duterte na ipag-utos ang pagkakaroon ng uni form minimum wage sa lahat ng mga kawani ng pamahalaan.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite, mahalaga na magpatupad ng uniform o pantay-pantay na minimum na sahod sa lahat ng mga empleyado ng ahensiya ng gobyerno, local government units (LGUs) at government owned and controlled corporations (GOCCs).
Aniya, layon nito na mabago at maitama ang pagkakaiba-iba ng minimum wage ng mga empleyado sa iba’t ibang lugar sa bansa.
Nababahala si Gaite na katulad sa mga nagdaang adjustments sa sahod sa ilalim ng Salary Standardization Law (SSL) ay mas nakakakuha ng malaking adjustment ang mga top official at executive at maliliit lamang ang nadaragdag sa sahod ng rank-and- file employees.
Dahil dito ay hiniling ni Gaite na maipasa agad ng Kongreso ang House Bill 247 na layong magkaroon ng uniform minimum wage sa lahat ng mga empleyado ng pamahalaan na P750 kada araw o mahigit P17,600 kada buwan.
Sa kasalukuyan, aniya, ang pinakamababang sahod ng isang empleyado ng gobyerno ay nasa P11, 068 lamang kada buwan.
Samantala, welcome naman sa Bayan Muna ang pagsasaprayoridad sa dagdag-sahod ng mga empleyado ng gobyerno sa kabila na matagal na itong ipinapanawagan at inaabangan ng taumbayan. CONDE BATAC