APRUBADO na ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapatupad ng uniform travel protocols sa local government units (LGUs) sa buong bansa.
Ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ang bumalangkas ng naturang uniform travel protocols para sa land, air at sea sa pakikipag-ugnayan sa Union of Local Authorities of the Philippines, League of Provinces of the Philippines, League of Municipalities of the Philippines, at League of Cities of the Philippines.
Base sa uniform travel protocols, ang mga bibiyahe ay hindi na ire-require na sumailalim sa COVID-19 testing maliban na lamang kung ang destinasyong LGU ang magtatakda na ang nabanggit na testing ay requirement bago bumiyahe.
Ang naturang testing ay limitado lamang sa RT-PCR test at ang mga traveller ay hindi na kailangang sumailalim sa quarantine maliban na lamang kung may makikitang sintomas sa kanilang pagdating sa LGU destination.
Gayon pa man, mahigpit na ipatutupad ng mga awtoridad ang mga umiiral na minimum public health standards, tulad ng physical distancing, hand hygiene, cough etiquette, at pagsusuot ng face masks at face shields.
Mahigpit na ipatutupad ang clinical at exposure assessment sa lahat ng ports ng entry at exit habang ang health assessment ng mga pasahero na pangangasiwaan ng mga medical doctor ay magiging mandatory sa pagpasok sa mga port/terminal at exit sa mga point of destination.
Hindi na rin kakailanganin ang mga travel authority na iniisyu ng Joint Task Force COVID Shield at maging ang mga health certificates ay hindi na rin kailangan.
Maging ang mga Authorized persons outside of residence (APORS) mula sa national government agencies at attached agencies ay kailangang magpakita ng kanilang identification card, travel order, at travel itinerary at kailangang makapasa sa symptom-screening sa mga ports of entry at exit.
Samantala, ang Department of Science and Technology (DOST)’s Safe, Swift, and Smart Passage (S-PaSS) Travel Management System ang magsisilbing one-stop-shop application/ communication sa mga traveler.
Magsisilbi ang StaySafe.ph System bilang primary contact tracing system habang ang mga existing contact tracing applications tulad ng Traze App ay isasama na sa StaySafe.ph System.
Para naman sa ports at terminals, kailangang may sapat na quarantine at isolation facilities gayundin ang referral system na siyang magre-refer sa mga symptomatic travelers na mailipat sa mga quarantine at isolation facility.
Ang lahat ng mga bus sa Metro Manila na pauwi ng mga probinsiya ay kailangang dumaan sa mga Integrated Terminal Exchange bilang central hub para sa transportasyon.
Ang DILG, Department of Health (DOH), Department of Tourism (DOT), Department of Transportation (DOTr), DOST at Philippine National Police (PNP) at mga LGU ang titiyak sa maayos na implementasyon ng mga nabanggit na protocols. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.