NGAYON pa lang, marami na ang nag-aayos ng kani-kanilang tahanan. Nagsimula na sa paglalagay ng dekorasyong makapagbibigay ningning at liwanag sa bawat tahanan.
Nakahiligan na nga naman nating maglagay ng iba’t ibang dekorasyon lalo na kung dumarating ang Pasko. Hindi nga lang naman handa ang pinag-iisipan nating mabuti kundi maging ang magiging ayos ng ating buong bahay. Hindi nga naman kompleto ang Pasko kung hindi natin nalalagyan ng makukulay na dekorasyon ang labas at loob ng ating mga tahanan.
Hindi kailanman nawawala ang Christmas tree sa ating mga tahanan. Taon-taon, pinagaganda natin ito. Gusto nga naman nating bawat taon, lalong mapabongga ang ating Christmas tree. Masarap din kasi sa pakiramdam iyong mapuri tayo ng ating mga kakilala at kaibigan dahil sa ganda ng pagkakaayos natin sa ating Christmas tree.
Kadalasan, buong pamilya ang nagtutulong-tulong para mapaganda at mamukod-tangi ang bawat Christmas tree na itinatayo natin o inilalagay sa tuwing magpa-Pasko.
Ngunit sabihin mang kasabay ng pagsapit ng Pasko ang pagdedekorasyon at pagkakaroon ng Christmas tree, marami pa ring pamilyang Pinoy ang walang pambili nito lalo na ngayong patuloy na tumataas ang mga bilihin. At sa mga walang pambili ng Christmas tree, narito ang ilan sa alternatives:
HUMANAP NG MAGANDANG HALAMAN
Isa sa hindi nga naman puwedeng mawala sa mga tahanan o garden ng kahit na sino ang halaman.
Isa nga naman ang halaman sa nakapagpapaganda ng tahanan. Mas maaliwalas din sa paningin ang tahanang may iba’t ibang halaman—namumulaklak man o hindi.
At kung kayo ang tipo ng pamilyang nagtitipid o kaya naman ay walang pambili ng Christmas tree pero gusto n’yo pa ring magkaroon nito, hindi n’yo na kailangan pang gumastos ng malaki. Dahil sa simpleng paraan at murang halaga ay magkakaroon na kayo ng instant Christmas tree. Ang kailangan n’yo lang gawin ay ang paghahanap ng pinakamaganda at malaking halaman sa inyong garden. Siyempre, dapat ay nakalagay o nakatanim ito sa paso nang mabuhat o mailipat sa loob ng bahay.
Kapag nakakita na kayo ng magandang halaman na sa tingin ninyo ay puwedeng magsilbing Christmas tree ninyo sa nalalapit na Pasko, ayusin na ito. Lagyan ng ilang mga dekorasyong mayroon kayo.
Puwedeng gamitin ang mga picture bilang dekorasyon. Kung may kaunti naman kayong naitabing pera, puwede rin kayong bumili ng mga pandekorasyon, gayundin ang Christmas lights.
SANGA BILANG CHRISTMAS TREE
Pinakasimpleng paraan para magkaroon ng Christmas tree ay ang paggamit ng sanga sa paggawa nito. Kung mayroon kayong puno sa bahay, kumuha lang kayo ng mga sanga na walang dahon saka ito ang lagyan ninyo ng dekorasyon.
Simple ngunit ang ganda nito sa paningin.
CHRISTMAS TREE NA GAWA SA LIBRO
Sa mga gusto namang maging creative, isa naman sa puwedeng subukan ang Christmas tree na gawa sa libro.
Marami sa atin ang mahihilig sa libro at ngayong papalapit na Pasko, swak na swak gawing Christmas tree ang mga kinahihiligan nating babasahin.
Siyempre, sa paggawa nito ay siguraduhin lang din na hindi masisira ang mga gagamiting libro.
Maaari ring gumawa ng Christmas tree na gawa sa papel.
PINEAPPLE CHRISTMAS TREE
Kahit ano nga naman ay maaaring gawing Christmas tree gaya na nga lang ng pineapple. Sino nga naman ba ang mag-aakalang ang prutas na ito ay maaaring gawing pandekorasyon ngayong papalapit na holiday.
Marami na rin ang gumagawa nito. Super cute rin nitong tingnan kaya’t maaaring subukan ng kahit na sino.
Basta’t magiging madiskarte at mag-iisip lang ang marami sa atin, talaga namang makapag-iisip tayo ng mga Christmas tree alternative. Kaya naman, subukan na ang mga ibinahagi naming ideya at tiyak na magniningning ang inyong Pasko. Hindi pa kayo gumastos ng mahal.
Sa ilan naman na naitabi ang ginamit nilang Christmas tree noong nagdaang taon at walang maisip na paraan kung paano pa mapagaganda at maging bago ito sa paningin, narito naman ang ilang tips na puwedeng subukan:
TRENDY ANDTRADITIONAL
Trendy at traditional ang isa sa puwede nating subukan. Maganda nga naman ito sa paningin. Ang ganitong design ay ang paghahalo ng trendy sa traditional gaya ng classic silver, gold ornaments at beaded garland.
Maganda nga namang tingnan ang kombinasyong ito. Bukod sa napanatili mo ang traditional style, nakasabay ka rin sa uso.
COLORFUL DESIGN
Para naman magkaroon ka ng kakaibang ideya, isa sa puwede mong gawin para makuha ang colorful design ay ang paggawa ng garland gamit ang roses, peonies, hydrangea at gerber daisies.
Perfect na perfect nga naman ang bulaklak para maging memorable ang ginawa mong design.
Puwede mo rin itong i-scatter sa mga sanga ng iyong Christmas tree. Swak na swak din kung lalagyan mo ng ribbon ang pinakataas nito para sa high-end designer look.
Isa pa sa magandang gawin para makatawag ng atensiyon ang iyong Christmas tree ay ang paglalagay ng ornaments na bold blues, bright greens, pinks at purples. Puwede mong samahan iyon ng silver at gold.
HOLIDAY CARDS
Kung ayaw mo namang gumastos, puwede rin namang gamitin mong pandekorasyon ay ang mga holiday card na natanggap mo noong nakaraang taon.
Kaysa nga naman itambak mo lang mas maganda kung gagamitin mo. At dahil may iba-ibang kulay at laki ang bawat cards, makadaragdag ito ng ganda sa iyong Christmas tree. Simpleng-simple lang pero memorable.
NATURE-INSPIRED
Kung mahilig ka naman sa nature, swak na swak din ito para ma-enjoy mo ang paglalagay ng dekorasyon sa iyong Christmas tree.
Maaari kang maglagay ng pinecones, mga iba’t ibang kulay ng ibon at mga dahon. Puwede rin naman ang dried fruits gaya ng orange pomander, spices at foraged material para magmukhang rustic ang iyong Christmas tree.
Isang beses lang din sa isang taon nangyayari ang pag-aayos at pagpapaganda natin ng Christmas tree, huwag tayong matakot na sumubok ng kakaibang design.
At dahil buong pamilya rin ang nagpakahirap na gumawa, tiyak na mas ma-e-enjoy ninyo ang paparating na Pasko. CS SALUD
Comments are closed.