TINIYAK ng BBM-Sara UniTeam sa mga residente ng Davao del Norte na isa sa prayoridad nila ang pagtatayo ng Banana Research and Development Center upang mapaunlad ang industriya ng pagsasaging at masugpo nang tuluyan ang problema sa mga peste sa pananim na labis na nagpapahirap sa kanila nitong mga nakalipas na taon.
Tugon ito ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., nang personal siyang tanungin ng local officials na sina Davao del Norte Gov. Roy Catalan, Vice Gov. Oyo Uy at Rep. Antonio Lagdameo (2nd District) kung paano sila matutulungan para mapalakas ang banana industry sa kanilang probinsiya.
“We will push for Banana Research Institute. Dapat maglagay ng pondo for research para sa management at pagpapataas ng ani ng mga nagtatanim ng saging,” ani Marcos.
Sinabi ni Marcos na batid nito ang problema sa ‘fusarium wilt’ na isang uri ng pesteng umaatake sa mga saging.
Aniya ang Banana Research Institute ang sagot upang malabanan ang lahat ng uri ng peste, bukod pa sa malaking bagay kung ang lahat ay may dagdag kaalaman sa larangan ng pagtatanim.
“Yung mga variety masyado nang behind time. Lahat ng crops natin behind na tayo because of the climate change. Ibang-iba na talaga ‘yung weather. Kaya importante ang mga research institute,” wika pa niya.
Idinagdag ni Marcos na ang research center din ang magiging daan para mapanatili ang posisyon ng bansa sa pandaigdigang kalakalan ng industriya ng saging.
“It (research center) can develop new varieties that are resistant to pests and diseases,” sabi pa nito.
Base sa pag-aaral, aabot sa P500 milyon ang kailangan upang makapagpatayo ng research institute na napakahalaga para sa pagpapalakas sa scientific, technical, at environment-friendly technologies and processes.
Mahalaga rin ito sa pag-promote sa industriya mula sa pre-production hanggang post-harvest facilities at farm to market na mahalagang aspeto sa sistema ng kalakalan.
Sinabi ng mga lokal na opisyal na umaasa silang maipatupad ito kaagad dahil labis nang naaapektuhan ang industriya ng sagingan sa buong probinsiya.
“Banana industry is a billion dollar industry. Problema is more than half is wiped out dahil sa sakit.
Market natin kinakain ng Vietnam, Sri Lanka and other regions,” ani Catalan.
Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay umaasa lamang sa pagsasaliksik at nakukuhang binhi mula sa bansang Taiwan dahil mayroon na silang sariling research institute.
“’Yung sa research and development talaga it should have government involvement and dapat with partnership sa agricultural college o UPLB. Sila naman ang premier agricultural college natin and of course ‘yung private sector,” dagdag pa ni Marcos.
“I don’t understand kung bakit napabayaan ang agriculture. It’s the foundation of the economy. Base sa pagkakaalam ko walang bansa na makakapag-industrialize kung hindi nakapag-land reform,” ayon pa rito.
“Pangalawa, walang intensive agriculture. Dapat highly mechanized tapos kumpleto ang ating post-harvest (facilities). Kumpleto ang ating processing. All of those things alam nating lahat ‘yun e. Hindi lang natin nagagawa. For whatever reason, hindi natin naging priority.”
Tiniyak ni Marcos sa mga lokal na opisyal na gagawing prayoridad ng UniTeam ang pagpapaunlad ng agrikultura na may espesyal na pagtutok sa pagpapaunlad sa produksiyon ng saging.