UNITEAM: MGA FILIPINO INVENTOR SUPORTAHAN

BBM-SARA - 3

KUMPIYANSA sa angking talino at kakayahan ng mga lokal na imbentor, nanawagan ang BBM-Sara UniTeam na bigyan sila ng solidong suporta upang mahikayat silang patuloy na tumuklas ng mga makabagong teknolohiya na mapakikinabangan ng bansa sa mga darating na panahon.

Ayon kay presidential candidate Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at running-mate na si Inday Sara Duterte, dapat buhusan ng benepisyo, pondo at sapat na suporta ang mga imbentor na Pinoy upang magkaroon sila ng inspirasyon na ipakilala ang tunay na galing sa buong mundo.

“Dapat ibalik natin ang pagiging Pilipino ako, taas noo kahit kanino,” sabi ni Marcos.

Sa eskuwelahan pa lang aniya ay mahalagang malinang na ang kagalingan ng bawat estudyante.

“Kapag nakitaan ng potensiyal at hilig sa pagtuklas o gumawa ng makabagong imbensiyon kagyat itong dapat susuportahan ng pamahalaan,” wika niya.

Nais din niyang iparamdam sa kanila kung gaano sila kaimportante sa bayan at hinding-hindi papabayaan sa lahat ng pangangailangan upang ma-develop nang maayos at mailagay sa tamang merkado ang kanilang imbensiyon.

Dahil dito, hinihikayat ni Marcos ang lahat ng estudyanteng huwag mag-atubiling sundin ang mga pangarap sa buhay dahil sakaling palarin aniya sila ni Inday Sara, maaasahan nila ang 100 porsiyentong suporta na ibibigay sa kanila mula allowance, gastos sa pag-aaral, tamang training at gabay.

Samantala, nais din ni Marcos, na palakasin ang kalidad ng solar panel  na malaking tulong upang maibsan ang problema ng mataas na kuryente sa bansa.

Kinikilala ni Marcos ang mga naglalabasang makabagong teknolohiya at isa na rito ang mga solar panel na kahit sa malilit na kabahayan ay nagagamit na rin ngayon.

Karamihan sa mga ito ay gawa sa labas ng bansa, partikular na sa Tsina.

Naniniwala si Marcos na mayroon na ring mga Pilipino ang nagtatangkang gawin ito ngayon, ngunit hindi pa ganoon kalakas sa merkado.

“Dahil hindi pa ganoon ka-reliable ang ilang solar panel ay marami sa ating mga kababayan ang natatakot pang bumili ngayon kasi ang tingin nila ay masisira agad. Kung magiging mahigpit ang pamahalaan para matiyak ang quality, siguro naman lahat ay tatangkilik na sa solar energy kahit sa ating kabahayan,” sabi pa ni Marcos.

“Isipin n’yo kung lahat ng ating kabahayan ay naka-solar panel na. Hindi ba’t malaking tipid ito sa lahat? Lalo na ang ating mga pabrika kung naka-solar energy na rin sila, tiyak mababa rin ang magiging presyo ng ititinda nilang produkto,” wika pa nito.

Kinilala ni Marcos ang Liter of Light na imbensiyon ni Filipino innovator Illac Diaz kung saan ay isang solar lamp ang napailaw mula sa recycled plastic soda.

Ang mga ganitong uri ng imbensiyon aniya ay malaking inspirasyon at karangalan sa bansa, bukod pa sa katotohanang malaking tulong ito sa aspeto ng pananalapi at ambag din sa pagsugpo sa global warming.