HAAAAY, buhay. Natatandaan ko pa, mahigit isa’t kalahating taon na ang nakalilipas, ang karamihan ng bumoto at sumuporta sa eleksiyon ni BBM ay umaasa na maibabalik niya ang pagkakaisa.
Sa katunayan, ang resulta ng eleksiyon noong 2022 sa pagkapangulo ay walang kaduda-duda na si Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang binasbasan ng taumbayan para mamuno sa kinabukasan ng Pilipinas.
Subalit sa mga sumunod na yugto ng pamumuno ni BBM, tila marami na ang nagtatanong kung tama ba ang kanilang iniluklok sa kapangyarihan.
Puwes, para sa akin, tulad ng kanta ng kampanya ng BBM-Sarah tandem, may dalang liwanag pa rin para sa ating bayan. Sa pinakahuling trust at approval rating ni PBBM noong nakaraang Disyembre ng Pulse Asia, tumaas ito ng 3 points o 68% mula 65% noong Setyembre 2023.
Subalit sa mga sunod-sunod na isyu tulad ng People’s Initiative (PI) at pagpasok ng mga tauhan ng International Criminal Court sa bansa na tila nagbibigay ng senyales na maaaring arestuhin ang dating Pangulong Rodrigo Duterte, baka mag-iba ang ihip ng hangin. Baka akala ng iba diyan ay laos na si DU30 at wala ng mga sumusuporta sa kanya. Nandiyan lamang ang mga iyan at tahimik na inoobserbahan ang mga pangyayari.
Kung titingnan din natin ang pinakahuling trust at approval rating ni VP Sarah, aba’y nakakuha siya ng 74% maski na patuloy ang birada ng ilang mambabatas sa kanyang ahensiya na DepEd at ang Office of the Vice President kung saan halos tinapyasan ng badyet ang kanyang opisina.
Nakapagtataka lang kung bakit ganito ang nangyayari sa tinawag na UniTeam. Tila nga nagkakalamat na ang samahan ng mga grupo na nagsama-sama upang mailuklok si BBM. Anyare?
Hindi pa huli ang lahat. Nasa kamay ni PBBM upang maayos ang ugnayan ng mga kasamahan niya sa Palasyo, Gabinete, House of Representatives at Senado. Ipakita at iparamdam lang niya kung sino talaga ang boss. Sigurado naman ako na tatalima ang lahat sa kanya kapag makikita nila na ginagawa ito ni PBBM para sa bayan at hindi para sa mga ilan lamang.
Mahaba pa ang termino ni PBBM. Tulad ng adhikain ng UniTeam, magkaintindihan at magkaayusan na ang mga paksyon na sumusuporta sa administrasyon na ito. Hindi pa huli ang lahat.
Sa totoo lang, ako ay nalaglag sa aking upuan na parang kabute ay lumitaw na lang sa media ang dating Presidential Adviser on Political Affairs ni PNoy na si Ronald Llamas na purong ‘dilawan’.
Aba’y sumawsaw sa isyu at tinitra ang kampo ng mga Duterte. Katawa-tawa para sa akin. Si Llamas ay isa sa mga personalidad na binatikos at nilabanan ang pamilya Marcos. Eh bakit ipinagtatanggol niya ngayon?!
Hay naku, esep-esep. Baka ang papel ni Llamas ay parang isang bukbok o anay na sisira sa tahanan ng administrasyon. Kahit anong linis at laba mo diyan kay Llamas, dilaw pa rin ang kulay niyan. Sana ay maagapan pa at hindi matuloy ang pangingitim ng UniTeam. Umayos-ayos nga kayo!