SA gitna ng daang-libong supporters na tumangkilik sa BBM-Sara unity caravan sa Lungsod Quezon araw bg Miyerkoles, Disyembre 8 ay sinabi ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., na ang boto para sa mapagkaisang tambalan nila ni vice presidential aspirant Davao Mayor Sara Duterte ay boto para sa tunay na pagbubuklod ng sambayanan.
Ito ang iginiit ni Marcos Jr., sa motorcade ng BBM-Sara UniTeam na halos hindi makausad sa kahabaan ng Commonwealth Avenue na tinaguriang pinakamalawak na kalsada sa Pilipinas, dahil sa kapal ng taga-suporta na sumalubong sa kanila. Ang southbound ng 18-lane na Commonwealth Ave. ay napuno at nagkulay pula at berde at halos magsara dahil sa kapal ng nakilahok sa ‘unity ride.’
Pasado alas-otso ng umaga nang simulan ang motorcade sa tapat ng Commission on Audit sa Commonwealth Ave., sa Quezon City na nagtapos sa Welcome Rotonda pasado ala-una ng hapon. Ang dapat sanang maiksi lamang na biyahe ay inabot ng mahigit limang oras dahil sa rami ng lumahok at sumalubong kaya halos hindi makagalaw ang sinasakyan nila Bongbong at Sara.
Sa Commonwealth pa lamang, tumagal ng halos apat na oras ang convoy dahil sa bagal ng usad nito bago pa lamang ito nakalabas sa Quezon City Memorial Circle.
“Ginulat na naman ako at napakarami. Kumpleto tayo ngayon dito sa Quezon City. Maraming-maraming salamat sa inyong pagdating,” ani Marcos Jr., sa mga taga-suporta.
Lalo namang kumapal ang tao nang magsama sa isang trak ang tambalang Bongbong at Sara na kinailangan pang tumigil ng ilang beses at nag-usad pagong ang kanilang convoy dahil sa hindi magkamayaw na pagsalubong ng mga supporters.
“Lakasan natin ang ating sigaw ng ating sinasabi na ipagpatuloy ang pagkakaisa ng Pilipinas. Ang pagpili ni’yo po kay Marcos at Duterte ay boto ninyo para sa pagkakaisa, sa mas mabuti at mas magandang kinabukasan ng ating bansa,” ayon kay Bongbong.
Kapansin-pansin din ang daan-daang mga delivery rider na sinadyang tumigil sa kanilang mga biyahe para makilahok sa motorcade ng BBM-Sara UniTeam.
Kanya-kanya rin ng gimik ang ilan para sa pagpapakita ng suporta, katulad ng ilan na lumabas sa kanilang mga bahay na nagsulat lamang sa mga pinunit na karton para ipakita ang kanilang pag-suporta sa BBM-Sara UniTeam.
Ang senior citizen na si Francisco Moral, halos maiyak pa habang sumasalubong sa BBM-Sara UniTeam.
“Akala ko hindi ko na makikita ulit ang ganitong klaseng pagmamahal sa mga Marcos. Matutupad din ang aking pangarap na maging pangulo ang anak ng aking idolo na nangangarap ng tunay na pagkakaisa ng bayan,” ayon sa naluluhang si Moral.
Maging ang mga overpass sa kahabaan ng Commonwealth ay napuno ng mga nag-aabang na taga-suporta para lamang masilayan ang BBM-Sara UniTeam.
“Dito natin sisimulan, ipagpapatuloy natin dito hanggang tayo ay magtagumpay, hindi lamang sa halalan, kundi magtagumpay sa pagkakaisa ng sambayanang Pilipino. Kapag naipagpatuloy natin ang ating adbokasiya, sama-sama po tayong babangon muli,” ani Marcos kasabay ng patuloy na panawagan ng pagkakaisa.
Kasama ng BBM-Sara UniTeam sa naturang event sina Quezon City mayoral aspirant Mike Defensor at ang kanyang running mate na si vice mayoral aspirant Winnie Castelo.
Kasabay nito, nagpasalamat ang BBM-Sara UniTeam sa pamunuan ng Quezon City, partikular kay Mayor Joy Belmonte pasa sa okasyon na ginanap sa kanilang lungsod.
Humingi naman ng paumanhin ang BBM-Sara UniTeam sa naapektuhan ng trapiko dahil sa hindi inaasahang pagdagsa ng tao.
“Hindi po kasi inaasahan ng mga naghanda sa nasabing okasyon na ma-overwhelm pa rin ang kanilang masinop at malawak na preparasyon sa dagsa ng mga taga-suporta nina Bongbong at Sara na sabik na makiisa at makita ang kanilang mga kandidato sa pagka-presidente at bise presidente,” ayon sa tagapagsalita ni Bongbong na si Atty. Vic Rodriguez.