UNITY VOTE NG PARTY-LIST GROUP PARA SA SPEAKERSHIP WARAK

MASAlamin

WALANG nangyari, bigo, at sumemplang ang nakatakda sanang pagpili ng grupo ng party-list solons noong Miyerkoles sa susuportahan nilang kandidato bilang speaker.

Ibig sabihin, puro ingay lang ang ginawa ng PBA party-list congressman na si Jericho Nograles na pipili na raw sila sa pagitan nina Cong. Martin Romualdez at Cong. Lord Allan Velasco. Anyare? Bakit walang napili? Nagkaatrasan ba?

Ang tsika kasi ng isang bubuwit na party-list congressman na dumalo sa pulong sa isang hotel sa Quezon City, hindi nagkaroon ng consensus ang mga kongresista dahil hindi naman pumayag ang mga ito na pumili na ng kanilang bet para maging speaker.

Hindi naman daw totoo na ‘solid’ ang kanilang kagustuhan na sa pagitan na lang nina Romualdez at Velasco ang labanan, lalo na at marami ang bumabakbak kay Velasco dahil hindi naman ito kilala at wala pang napatunayan bilang mambabatas.

Kung ganito ang takbo ng mga pangyayari, mistulang nakor­yente ang ilang party-list solons na dakdak nang dakdak na sina Romualdez at Velasco lang ang kanilang pagpipilian. Bakit hindi nakapili? Bakit walang pinili?

Ibig bang sabihin, fake news ‘yung ipinagmamalaking unity vote ng 61 na party-list solons. Ibig bang sabihin, hindi kontrolado ni Romero ang kanyang mga kasama sa grupo?

O baka naman, kahit ano’ng mangyari, mananaig pa rin ang mga personal na desisyon ng bawat party-list congressman, pati na ang kanya-kanyang interes kaya walang nangyari sa botohan?

Malayo pa ang laban. Sa Hulyo 22 pa ng umaga mangyayari ang botohan ng susunod na speaker. Huwag muna sanang padalos-dalos sa mga binibitawang salita lalo na kung mistulang hulaan lang ang mangyayari.

Baka masabihan pa itong mga party-list solon na mga PAASA.

Comments are closed.