UNIVERSAL HEALTH CARE BILL MALAPIT NANG MAISABATAS

Sen Sonny Angara-2

ILANG hakbang na lang at makakamit na ng bawat Filipino ang abot-kaya at dekalidad na pagpapagamot nang hindi nabubutas ang kanilang bulsa.

Ito ang inihayag ni Senador Sonny Angara, matapos aprubahan sa Senado nitong nakaraang linggo ang Universal Health Care Bill, kung saan isa siya sa mga nagtulak at nag-sponsor sa Mataas na Kapulungan sa pangu­nguna ni Senator JV Ejercito.

Ayon sa senador, layunin ng Senate Bill 1896 na gawing libre ang pagpapa-check-up, laboratory tests at maging abot-kaya ang halaga ng mga gamot.

Sa naturang panukala, inaatasan ang lahat ng botika sa buong bansa na kailangang magbenta rin ang mga ito ng generic brand ng lahat ng gamot sa Primary Care Formulary.

Ito ay matapos iulat ng Department of Health (DOH) na 65 porsiyento ng kabuuang kinikita ng pharmaceutical market ay mula sa generic medicines.

Matatandaang naging patakaran ang pagbebenta ng generic medicines dahil sa iniakdang batas ni dating Senate President Edgardo Angara, ang Generics Act of 1988.

Sa ilalim ng Generics Act, inaatasan ang lahat ng doktor na mag-reseta ng generic drugs sa kani-kanilang pasyente. Ang generic medicines ay mas mura nang mula 50-70 percent kaysa mga gamot na branded.

“Sa kabila ng batas na ito, marami pa rin sa ating mga botika ang hindi nagbebenta ng generics. Kung kaya’t dito sa UHC, sisiguruhin natin na ang lahat ay may access sa mga abot-kayang medisina,” ayon kay Angara.

Nilalayon din ng UHC na magtatag ng isang independent body na makikipag-negosasyon sa DOH at PhilHealth hinggil sa halaga ng mga gamot.

“Para maiwasan ang pagkakaiba-iba ng presyo ng gamot, kailangan mayroon tayong central procurement at price negotiation board. Sila ang mangangasiwa sa pagpapatupad ng bentahan ng murang gamot at ng availability ng mga ito,” anang senador.

Si Angara rin ang awtor ng Senate Bill 972 na naglalayon namang magtatag ng isang “Libreng Gamot Program”. Sa ilalim ng programang ito, aatasan ang lahat ng government health facilities na magbigay ng libreng gamot sa mahihirap na pasyente.

Mababatid na kapuwa awtor at sponsor ng mga batas na nagbibigay ng medicine discount at VAT exemption sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs) ang mag-amang Angara.      VICKY CERVALES

Comments are closed.