HINDI nakalusot sa Bicameral Conference Committee ang panukalang Universal Health Care kahapon.
Ayon kay Senador JV Ejercito, chairman ng Senate Committee on Health, hindi muna nila inaprubahan sa Bicam ang naturang panukalang batas na naglalayon na mabigyan ng mandatory health services ang mga Filipino partikular na ang mga mahihirap.
Paliwanag ni Ejercito, may mga isyu pa na tinututulan at pinagtatalunan ng mga mambabatas at ng mga opisyal ng Department of Health ( DOH) sa naturang pagdinig.
Aniya, isa sa kinukuwestiyon ni Senate Pro Tempore Ralph Recto ay ang equal benefits ng mga mahihirap na mamamayan at ng mga contributor ng Philhealth sa Universal Health Care Bill.
Iginiit ni Recto na dapat ay may incentives ang contributors ng Philhealth kumpara sa mga benipisyaryo ng Universal Health Care.
Nangangamba si Recto na kapag equal benefits ang mangyayari at malalagay sa alanganin ang koleksiyon ng Philhealth.
Binigyang diin nito na posibleng hindi na magbayad ang mga contributor kapag pareho lamang sila ng benepisyo na matatanggap sa ilalim ng panukala.
Kaya’t napagkasunduan ng mga mambabatas na pag-aralan kung ano ang magiging insentibo ng mga contributor sa Universal Health Care Bill.
Pabor naman dito si Ejercito dahil mas mainam na salaing mabuti ang panukala bago ito aprubahan sa Bicam na walang butas.
Tinitiyak naman na aabutin pa ng hanggang tatlo ang bicam bago nila ito maaprubahan. VICKY CER-VALES
Comments are closed.