IPINAG-UTOS ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabawal sa pag-manufacture, distribusyon at pagbebenta ng hindi rehistradong e-cigarette products at vaping sa mga pampublikong lugar.
Nakasaad sa Executive Order No. 106 na nilagdaan noong Pebrero 26 at nag-aamyenda sa Executive Order No. 26 ang pagbabawal sa paninigarilyo sa mga pampublikong lugar, pagtatalaga ng mga smoking area, paglilimita sa mga menor de edad ng access sa mga tobacco product at pagtatakda ng mga kaukulang requirement at limitasyon sa advertising at promotion ng mga tobacco product.
“There is a need to regulate access to use of ENDS/ENNDS, HTPs (electronic nicotine/non-nicotine delivery systems, heated tobacco products) and other novel tobacco products, to address the serious and irreversible threat to public health, prevent the initiation of non-smokers and the youth, and minimize health risks to both users and other parties exposed to emissions,” sabi sa EO.
Nakasaad pa sa kautusan na ang lahat ng e-liquids, solutions at refills na components ng ENDS/ENNDS o HTPs ay kinakailangang nakarehistro sa Food and Drugs Administration (FDA).
Maging ang lahat ng devices na nagsisilbing components ng END/ENNDS o HTPs ay kailangang pumasa sa product standards na itinatakda ng Department of Trade and Industry (DTI) at FDA.
Samantala, ang iba pang tobacco products ay isasailalim sa regulasyon at magiging saklaw ng Inter-Agency Committee-Tobacco.
Ang lahat ng mga establisimiyento na nagnenegosyo ng e-cigarette products ay dapat ding may lisensiya na mag-operate mula sa FDA.
Inatasan na rin ng Pangulong Duterte ang FDA at DTI na makipag-ugnayan sa Bureau of Customs (BOC) sa pagbuo ng mga patakaran, requirements at procedures para sa importasyon ng ENDS/ENNDS, HTPs, at mga component nito na ipapasok sa Philippine market.
Ipinagbabawal din sa EO at itinuturing na paglabag ang pag-vape sa mga enclosed public place at public conveyance, maging ito man ay stationary o in motion, maliban na lamang sa mga designated smoking/vaping area.
Ang kautusan ay magiging epektibo 15 araw makaraang mailathala sa mga pahayagan na may general circulation. EVELYN QUIROZ
Comments are closed.