APAT pang opisyal ng Bureau of Internal Revenue ang umano’y nadagdag sa bilang ng mga biktima ng sinasabing kidnap/robbery syndicate.
Ayon sa source, ang mga pinakahuling biktima ay isa mula sa Southern Tagalog, dalawa sa Central Luzon at isa mula sa BIR Makati City.
Isa pang revenue group supervisor sa Quezon City North ang pinadalhan naman ng bulaklak ng patay pero pinaniniwalaang sanhi ito ng sobrang galit ng taxpayer na diumano’y pinahirapan sa paikot-ikot na tax investigation na sa bandang huli ay ‘kinotongan’ lang umano.
Tinawag lamang sa mga alyas na ‘Dante’, ‘Rene’ at ‘Grace’ mula sa San Pablo City, Angeles City at San Fernando, Pampanga ang sinasabing pinakahuling biktima ng sindikato, habang walang detalye sa pagkakakilanlan ng isa pa na mula naman umano sa Makati City. Pinangalanan naman sa alyas na ‘Edizon’ ang sinasabing group supervisor sa Quezon City North na pinadalhan ng bulaklak ng patay sa mismong tanggapan ng BIR North Revenue District Office na nasa West Avenue, Quezon City.
Samantala, dalawang BIR revenue district officers na nakatalaga sa Mandaluyong City at Marikina City ang pormal nang nagbitiw sa puwesto sa hindi binanggit na dahilan. Ang isa ay sinasabing maninirahan na lamang sa kanyang magulang sa Amerika, habang ang isa pa ay nag-avail na umano ng early retirement.
Tulad ng mga naunang biktima ng nasabing sindikato, wala pa ring lumalantad para magreklamo sa mga kinauukulan sa mga pinakahuling biktima ng sindikato.
Itinatanggi naman ng BIR top management ang isyung ito dahil wala umano silang report na natatanggap ukol dito. Nagkataong wala sa bansa si BIR Commissioner Caesar ‘Billy’ Dulay na nagdiwang ng kanyang kaarawan (Setyembre 11) sa ibang bansa at nakatakdang bumalik sa Filipinas ngayong araw.
Bago ang limang pinakahuling biktima ng sindikato, dalawa pang group supervisors ng BIR na umano’y nakatalaga sa Large Taxpayers Service ang sinasabing nilooban at tinangayan ng kaha de yero na puno ng pera. Sila ay kinilala lamang sa mga alyas na ‘Espiritu’ at ’Mariquit.
Bago nilooban sina ‘Mariquit’ at ‘Espiritu’ ay dinukot noon lamang nakaraang linggo ang isa pang alyas ‘Dennis’ na sinasabing isang examiner na nakatalaga naman sa Cainta Revenue District Office. Si ‘Dennis’, ayon sa source, ay sakay ng kanyang luxury car nang harangin at dukutin ng mga hindi nakilalang armadong lalaki. Mula noon hanggang sa isinusulat ang pitak na ito ay hindi na nakikita si ‘Dennis’.
Ayon pa sa source, umaabot na sa 19 ang nabibiktima ng sindikato na tinatarget ang top officials at revenue executives ng BIR.
Ang mga naunang biktima ay sinasabing pawang nakatalaga sa Metro Manila at humahawak ng matataas na posisyon at ngayon ay tila lumawak na ang operasyon ng sindikato dahil ang pinakahuling biktima ng mga ito ay mula na sa Southern Tagalog at Central Luzon.
Para sa komento o opinion, mag-text lamang po sa 09293652344/ 09266481092 o mag-email sa [email protected].