NAKAHANDANG bumawi ang University of the Philippines Fighting Maroons sa Season 86 makaraang magtapos ang kanilang paghahari bilang UAAP champions sa loob lamang ng walong buwan.
Tinapos ng UP ang 36 taong paghihintay para sa UAAP crown noong Mayo subalit ang kanilang pagiging kampeon ay nagwakas noong Lunes makaraang yumuko sa Ateneo de Manila University sa Season 85 men’s basketball finals.
Sa pangunguna ni Ange Kouame, pinataob ng Blue Eagles ang UP, 75-68, sa winner-takes-all Game 3 upang mabawi ang kampeonato.
Ito ang ika-4 na titulo ng Ateneo sa huling limang seasons, ang dalawa ay kontra Fighting Maroons.
Aminado si UP center Malick Diouf, ang Most Valuable Player sa Season 85 makaraang pangunahan ang Fighting Maroons sa No. 2 seed, na nalulungkot siya’t hindi nila naidepensa ang korona.
Si Diouf ay humataw sa elimination round, kung saan may average siya na 10.79 points, 10.86 rebounds, 2.86 assists, 1.57 blocks, at 1.5 steals per game. Subalit nalimitahan siya sa three-game finals series kung saan gumawa lamang siya ng 6 points per game.
Mawawala sa UP sina Zavier Lucero, Henry Galinato, Brix Ramos, AJ Madrigal, at Conrad Catapusan dahil sa graduation ngunit inaasahang magiging malakas pa rin ang roster ng Fighting Maroons sa Season 86.