NUEVA ECIJA – ARESTADO ng tropa ng 84th Infantry (Victorious) Battalion ng Philippine Army ang isang UP graduate na naging leader ng New People’s Army (NPA) sa engkuwentro sa Barangay Estrella, Rizal.
Kinilala ni 7ID spokesperson Maj. Amado Gutierrez, ang nadakip na si Redsa Balatan alyas sining/Julia/lea, ang political instructor at deputy secretary ng Komiteng Larangang guerrilla Sierra Madre, na nag-o-operate sa Nueva Ecija at Nueva Viscaya.
Si Balatan ang isa sa apat na sugatang terorista at kabilang sa limang nahuling NPA ng militar matapos ang 15 minutong bakbakan, kung saan dalawang NPA ang patay.
Nakuha ng mga sundalo sa encounter site ang 2 M16 rifles, 3 caliber .45 pistols, isang hand grenade, 15 M16 magazines, 2 .45 pistol magazines, 2 handheld radios, 14 cellphones, isang Samsung tablet, subversive documents at extortion letters.
Dismayado naman si Major General Lenard T. Agustin, AFP, ang Commander of the 7th Infantry Division, sa nagiging kahinatnan ng mga matatalinong estudyante ng mga unibersidad tulad ni Balatan na napabilang sa NPA, na ang karamihan ay nakabaon na lang sa mga hindi markadong libingan sa mga kabundukan.
Nanawagan naman si Agustin sa mga miyemro ng “Academe” na suriing mabuti kung ano ang naituturo sa mga kabataan sa mga paaralan na dahilan sa pagsama sa NPA. REA SARMIENTO
Comments are closed.