MULING nanawagan si Senador Win Gatchalian sa pagkakaroon ng Math and Science High School sa bawat probinsiya matapos lumabas sa isang global survey na sa humigit-kumulang walumpung (79) bansa, ang mga mag-aaral sa Filipinas ang may pangalawang pinakamababang marka sa Agham at Matematika.
Ayon sa senador, ipinapakita ng mga nakababahalang resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) 2018 ang pangangailangan ng mga probinsiyang magkaroon ng mga paaralang nakatutok sa pagtuturo ng Matematika at Agham. Ang PISA ay isinasagawa tuwing tatlong taon upang sukatin ang kakayahan sa Matematika, Agham, at maging sa pagbabasa o Reading Comprehension ng mga mag-aaral na nasa labinlimang (15) taong gulang.
Lumabas sa pinaka huling PISA report na ang mga mag-aaral sa Filipinas ay nagtamo ng markang tatlong-daan at limampu’t tatlo (353) sa Matematika at tatlong-daan at limampu’t pito (357) sa Agham. Ang mga resulta ng susunod na assessment ng PISA ay lalabas sa taong 2021. Mathe-matical Literacy ang pagtutuunan ng pansin ng susunod na assessment.
“Ang kakayahan ng ating mga mag-aaral sa Agham at Matematika ay hindi lamang sumasalamin sa katayuan ng ating sistema ng edukasyon. Ipinapakita rin nito ang kakulangan sa kahandaan ng ating mga kabataang maging bahagi ng ating mga industriya sa kanilang pagtatapos, lalo na’t napakabilis ng pagbabagong dulot ng teknolohiya” ayon kay Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.
Inihain ngayong taon ni Gatchalian ang Senate Bill 369 o ang Equitable Access to Math and Science Education Act. Sa ilalim ng panukalang batas, dapat magkaroon ang bawat probinsiya ng kahit isang Math and Science High School. Sa ilalim ng paggabay ng Department of Education (De-pEd) at Department of Science and Technology (DOST), ang mga paaralang ito ay magkakaroon ng integrated junior-senior high school curriculum na tututok sa mga advanced Science, Mathematics, at Technology subjects.
Ang mga magtatapos sa mga paaralang ito ay nangangailangang kumuha ng mga kursong tulad ng Pure and Applied Sciences, Mathematics, Engineering, Technology, at iba pang mga larangang irerekomenda ng Commission on Higher Education (CHED).
Ayon pa kay Gatchalian, iaangat ng mga paaralang ito ang kakayahan ng mga mag-aaral sa mga probinsiya. Lumabas kasi sa resulta ng PISA na mas mababa ang mga markang nakuha ng mga mag-aaral sa kanayunan kung ihahambing sa mga mag-aaral na nasa siyudad.
“Sa pag-angat natin ng kalidad ng edukasyon, layunin nating makitaan ng husay ang bawat mag-aaral ano man ang kanilang katayuan sa buhay o saan man sila nagmula,” pahayag ni Gatchalian. VICKY CERVALES
Comments are closed.