CAMP CRAME- INIREKOMENDA ni Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan, PNP Deputy for Administration na ipakontrol sa Barangay Enforcement Team ang dagsang mamimili sa pamamagitan ng pag-isyu ng market pass sa mga pampublikong pamilihan at iba pang shopping center.
Ayon kay Cascolan, kaniya ring iminungkahi ito kay Lt. Gen. Guillermo Eleazar, Deputy Chief for Operations at commander ng JTF CV Shield na dapat ay maisyuhan ng market pass ang mga mamimili.
Layunin nito na maiwasang malabag ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatupad ang social distancing.
Sinabi na Cascolan na ang barangay officials ang mag-iisyu ng market pass subalit kailangang tiyaking na may koordinasyon sa itinalagang palengke.
Halimbawa nito, ang holder ng market pass ay dapat sa itinakdang oras at petsa na mamimili sa palengke ng lungsod.
Sa pamamagitan aniya, nito mapipigil ang pagdami ng mga mamimili at maisasakatuparan ang social distancing
Ang social distancing ay isa sa pamamaraan na ipinatupad ng gobyerno upang maiwasan ang pagkakahawa-hawa sa coronavirus disease (COVID-19), bukod sa madalas na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask at paggamit ng alcohol.
Alinsunod sa panuntunan ng social distancing, dapat ay isang metro ang layo ng indibidwal sa kapwa upang maiwasan ang pagkakahawa ng virus at makaiwas sa droplets kapag bumahing ang kausap.
Ginawa ni Cascolan ang mungkahi ng maisapubliko ang dagsang mamimili sa Balintawak Market sa Quezon City gayundi sa Blumentritt Market sa Sta.Cruz, Maynila. PILIPINO MIRROR REPORTORIAL TEAM
Comments are closed.