(Upang pigilan ang pagsirit ng coronavirus cases) COVID-19 TESTING LAB SA C.VISAYAS MINAMADALI

Archie Gamboa

CAMP CRAME-NAALARMA ang Philippine National Police (PNP) sa paglawak ng kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Central Visayas gayundin ang pagkahawa sa 25 pulis doon na dahilan para i-lockdown ang dalawang police office sa Cebu City.

Kasunod nito ay inatasan ni PNP Chief, Gen. Archie Francisco Gamboa ang Administrative Support to COVID-19 Operations Task Force (ASCOTF) sa pamumuno ni PNP Deputy Chief for Administration, Lt. Gen. Camilo Pancratius Cascolan na bilisan ang pagtatayo ng COVID-19 Testing Laboratory sa Central Visayas.

Target ng PNP na mapabilis ang patatayo ng kanilang ikalawang COVID-19 testing faci­lity upang agad ma-detect ang mga pulis na infected at maagapan ang mga ito.

Batay sa record ng PNP na nasa 483 pulis ang nagpositibo sa COVID-19, o 1.64 percent ng kabuuang 29,400 confirmed cases sa bansa hanggang noong Hunyo 20.

Alinsunod pa rin sa monitoring ng PNP, sa naturang bilang, 225 cases ang mula sa Metro Manila, habang 112 ang sa Central Visayas.

Dagdag pa ni Gamboa na ang pagkakaroon ng capacity-building measures tulad nang pagkakaroon ng sariling testing laboratories ay mag-titiyak na maisasailalim sa COVID-19 testing ang mga pulis at mabilis na makukuha ang resulta ng mga ito.

Iginiit din ng heneral na mahalagang maprotektahan ang kalusugan ng mga pulis upang patuloy rin nilang maprotektahan ang publiko.

Kinumpirma naman ni Cascolan na sinimulan nang itayo ang CO­VID-19 testing facility at kahalintulad ng unang laboratoryo sa Camp Crame ay daraan din ito sa pro­seso gaya ng pag-inspeksiyon ng health authorities, pagkakaroon ng tamang personnel na ia-assign sa laboratory at pagkuha ng sertipikasyon sa Department of Health gayundin ang license to operate. EUNICE C.

Comments are closed.