UPCAT 2025 DINAGSA NG LIBU-LIBONG ESTUDYANTE

NGAYONG weekend, ay dinagsa ng libu-libong estudyante ang mga testing centers sa buong bansa para kumuha ng isa sa pinakamahirap na entrance exam. 

Ang University of the Philippines College Admission Test (UPCAT) ngayong taon ay ginanap nitong Agosto 10 hanggang 11.

Ito ang pangalawang beses na isinagawa ang UPCAT mula nang maganap ang COVID-19 pandemic noong 2020.

Karaniwang naniniwala ang mga Pilipino sa mga pamahiin upang makapasa sa exam — mga paniniwalang naipasa mula sa mga henerasyon at hindi nawawala sa kultura ng mga Pilipino.

Ibinahagi ng UPCAT passers ang kanilang mga karanasan sa iba’t-ibang pamahiin na kanilang sinunod noon.

Kasama sa mga ito ang pagtulog na may reviewer o libro sa ilalim ng unan, pagsusuot ng pulang underwear para sa suwerte, paglalagay ng barya sa loob ng sapatos at huwag tumingin pabalik pagkatapos ng exam.

Itinuro din ng isang review center ang ilang karaniwang paniniwala tulad ng pagpapatalas ng lapis ng isang matalinong tao, pag-iwas sa pagpapakuha ng litrato kasama ang Oblation statue ng UP at ang maling paniniwala tungkol sa scoring system ng exam.

Sinabi ng mga passers na ginawa nila ang mga ito hindi dahil matindi ang kanilang paniniwala kundi dahil wala namang mawawala kung gagawin ito.

Wala namang mawawala sa mga ganitong paniniwala pero ang tiyaga at sapat na paghahanda ang susi upang makapasa sa anumang pagsusulit.

Bago pumunta sa mga itinalagang testing centers, siguraduhing dalhin ang lahat ng kinakailangang dokumento kabilang ang printed test permit, at ang pinakabagong school ID ng aplikante o anumang government-issued ID na may larawan.

RUBEN FUENTES