INILABAS ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga bagong alituntunin para sa pagpaparehistro at pag-renew ng mga taxpayer kung saan saklaw nito ang mga proseso, klasipikasyon ng mga taxpayer, kinakailangang dokumento at kaukulang bayarin.
Makikita ang mga detalyadong impormasyon sa Citizen Charter ng Revenue District Office (RDO) sa opisyal na website ng BIR.
Ang mga panuntunang ito na nakasaad sa BIR Circular RDO-External-Service-08 ay naglalayong tulungan ang mga taxpayer na maunawaan ang mga kinakailangan sa pagpaparehistro at pagsunod sa kanilang obligasyong pananalapi.
Ang pagpaparehistro o pag-renew ay nakabatay sa klasipikasyon ng taxpayer at lokasyon ng negosyo o propesyonal na aktibidad:
l Single Proprietors
Saan Magpaparehistro: RDO na may hurisdiksiyon sa lugar ng punong tanggapan.
Kinakailangang Dokumento: BIR Form 1901, valid na government-issued ID (na may address), at patunay ng tirahan o address ng negosyo.
l Propesyonal (kasama ang regulated professions)
Saan Magpaparehistro: RDO na may hurisdiksiyon sa tirahan ng taxpayer. Kung may pisikal na address ng negosyo, doon din magpaparehistro.
Kinakailangang Dokumento: BIR Form 1901, government-issued ID, patunay ng tirahan o address ng negosyo, at PRC ID para sa regulated professions.
l Nomadic o Roving Business Operators
Saan Magpaparehistro: RDO na may hurisdiksyon sa tirahan ng taxpayer.
Kinakailangang Dokumento: BIR Form 1901, patunay ng tirahan o address ng negosyo, at government-issued ID.
Mga Kinakailangang Dokumento para sa Renewal
l Sole Proprietors at Non-PRC Professionals:
BIR Form 1901, valid na government-issued ID at patunay ng business address.
l PRC-Regulated Professionals:
PRC ID at government-issued ID na may address.
l Karagdagang Dokumento para sa Negosyo:
DTI Certificate, service contract, o franchise documents, kung naaangkop.
Para sa mga transaksiyong idadaan sa kinatawan, kailangan ang Special Power of Attorney at valid IDs ng taxpayer at kinatawan.
Hakbang sa Pag-renew ng Registration
1. Pagkuha ng Queueing Number: Bisitahin ang New Business Registrant Counter (NBRC) o Client Support Section ng BIR office.
2. Pagsusumite ng Dokumento: Ibigay ang kumpletong dokumento tulad ng BIR Form 1901 at iba pang kinakailangan.
3. Pagpapatunay ng Dokumento at Panayam: Suriin ng BIR officer ang mga dokumento at tukuyin ang mga kaukulang tax types.
4. Pagbabayad ng Bayarin: Magbayad ng Documentary Stamp Tax (P30) at iba pang bayarin.
5. Pagproseso at Paglabas ng Certificate: Matatanggap ang Certificate of Registration (COR) at notice to issue invoice.
Naging epektibo noong Enero 22, 2024, hindi na kailangang magbayad ng P500 annual registration fee ang mga business taxpayer alinsunod sa Republic Act 11976 o Ease of Paying Taxes Act.
Ang mga NGO at non-profit organizations ay ganap ding exempted sa bayarin. RUBEN FUENTES