HINIHINGI ni Committee on Persons with Disabilities Chair at Negros Occidental Rep. Ma. Lourdes Arroyo sa pamahalaan ang updated na master list ng mga indibiduwal na may kapansanan sa buong bansa.
Sa ginanap na pagdinig ng komite ay napag-alamang magkaiba at hindi pa updated ang bilang ng PWDs mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Batay sa PSA census, noong 2010 ay nasa 1.442 million ang households na may PWDs kung saan pinakamataas sa Calabarzon na may 193,000, sinundan ng NCR na may 167,000 at pinakamababa naman ang bilang sa Cordillera Administrative Region na mayroon lamang 26,000 PWDs.
Sa pinakahuling tala ng DSWD National Household Targeting data, noong 2016 ay nasa 277,132 poor households lamang ang may kasama o kapamilyang may kapansanan.
Giit ni Arroyo, kailangang ma-i-update at ma-consolidate ng dalawang tanggapan ang kabuuang bilang ngayon ng PWDs upang mabigyan ng tamang program planning at sapat na pondo ang PWD sector.
Nangako naman ang DSWD na makikipag-ugnayan sa Department of Health (DOH) at National Commission for Disability Affairs, gayundin sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para mabuo ang naturang master list.
Magugunitang ibinunyag nina ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap at Ang Probinsyano party-list Rep. Ronnie Ong na talamak ang gumagamit ng PWD ID na wala naman palang kapansanan at nagdulot na ng pagkalugi sa ilang mga negosyo ngayong may pandemya. CONDE BATAC
Comments are closed.