KAAGAPAY ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ang Philhealth sa pagpapatupad ng KonSulTa Program sa ceremonial signing na ginanap nitong Nobyembre 20 sa lungsod ng Maynila.
Mismong si PCUP Chairperson & CEO Meynard A. Sabili ang dumalo sa aktibidad na nagpapatibay sa mandato ng Komisyon na maging daan sa pagpapabuti ng pamumuhay lalo’t higit sa usaping pangkalusugan ng mga maralitang tagalungsod sa pamamagitan ng paglagda sa isang memorandum of understanding (MOU) kasama si Philhealth President Emmanuel R. Ledesma, Jr. at ilan pang opisyal.
Nakapaloob sa MOU na aagapay ang PCUP sa pagsisiguro na maging miyembro ng Philhealth ang mga urban poor ng bansa at mai-enroll ang mga ito sa KonSulTa Program.
Magkakaroon din ng onsite registration ang PCUP para sa mga benepisyaryo ng KonSulTa at ang pagbubuo ng isang communication plan na nakasentro sa mga pangangailangan ng mga maralita sa bansa upang mapalawig pa ang programa.
Bukod dito, bubuo ang PCUP ng mga polisiya bilang suporta sa National Health Insurance Program (NHIP) sa ilalim ng RA 11223 at RA 7875 at pagbibigay ng Social Welfare Certifications for the Financially Incapable sa tulong ng mga PCUP Field Operations Division at Local Government Units (LGUs).
RUBEN FUENTES