ANG Pangulo ng European Commission na si Ursula von der Leyen ay bibisita sa Pilipinas sa Hulyo 31 hanggang Agosto 1, 2023. Siya ang kauna-unahang Pangulo ng Komisyon ng Europa na bibisita sa Republika ng Pilipinas sa halos anim na dekadang diplomatic relations.
Si Pangulong von der Leyen ay inimbita ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. Nagkita ang dalawang lider sa EU-ASEAN Commemorative Summit noong Disyembre 2022 na ginanap sa Brussels.
Ang pagbisita ay naglalayon na magbigay ng isang bagong puwersa sa EU-Philippines bilateral relations at makisali sa mga talakayan sa mga usapin ng mutual na interes, lalo na sa mga kalakalan, green and digital transition at seguridad.
Makikipagpulong si Pangulong von der Leyen kay Marcos at tatalakayin nila, bukod sa iba pang mga isyu, ang pakikipagtulungan, pamumuhunan at Global Gateway.
Ang Global Gateway Strategy ng EU ay naglalayon na tugunan ang mga pangangailangan sa impraestruktura ng mga kasosyong bansa habang tinutugunan ang pinakamahihigpit na mga hamon sa mundo. Kabilang dito ang paglaban sa pagbabago ng klima, pagpapabuti ng mga sistema ng kalusugan at pagpapalakas ng pagiging mapagkumpitensya at seguridad ng mga pandaigdigang supply chain.
Nakatakdang magtalumpati si President von der Leyen sa isang high-level business event na inorganisa ng European Chamber of Commerce of the Philippines (ECCP) katuwang ang Makati Business Club (MBC).
Samantala, ang European Union (EU) ay naglaan ng EUR500,000 o humigit-kumulang PHP30 milyon sa humanitarian assistance para suportahan ang mga pamilyang naapektuhan ng Bagyong Egay.
Sinabi ni EU Ambassador to the Philippines Luc Veron na ang donasyon ay dadalhin sa pamamagitan ng European Commission Humanitarian Aid Office at European non-government organizations.
Sinabi ni Veron na tututok ang humanitarian aid sa mga pamilya at komunidad na lubhang apektado sa Northern Luzon.
Hindi bababa sa 14 ang patay, 13 ang nasugatan, at 20 ang nawawala sa bagyo na naiulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).