US OPEN CROWN KAY OSAKA

Naomi Osaka

NAGING unang Japanese si Naomi Osaka na nagwagi ng Grand Slam singles title makaraang igupo ang kanyang idolong si Serena Williams, 6-2, 6-4, sa US Open finals noong Sabado.

Naging emosyonal at matindi ang laro nang sumiklab ang galit ni Williams at tawagin ang chair umpire na ‘isang magnanakaw’.

Bago tuluyang nagtapos ang duelo ng dalawa sa court, pinatawan ng violation ni chair umpire Carlos Ramos si Williams dahil sa umano’y illegal coaching mula sa kanyang player box sa first set.

Ikinagalit ito ni Williams kung saan kinompronta niya si Ramos at sinabihan na hindi siya nandaraya at mas pipiliin niyang matalo na lamang kaysa manlamang sa kanyang kalaban.

Nang matanggap ang game penalty dahil sa court violation, sinabihan pa ni Williams si Ramos na hindi na ito magkakaroon ng pagkakataon na maging bahagi ng kanyang laro.

“You’re attacking my character,” aniya. “You will never, ever be on another court of mine. You are the liar.”

Si Williams, nagtatangka sa kanyang unang Grand Slam title magmula nang isilang ang kanyang anak na si Olympia noong Setyembre 1, 2017, ay nabigong masungkit ang 24th Grand Slam title na nagpatabla sana sa all-time record ni Margaret Court.

Nag-boo ang pro-Williams crowd sa announcers sa trophy presentation, subalit hinimok ni Williams ang kanyang mga supporter na magpakita ng paggalang sa batang kampeon.

“She played well,” ani Williams. “This is her first Grand Slam. I know you guys were here rooting, but let’s make this the best moment we can. Let’s give everyone the credit where credit is due. Let’s not boo any more.”

“Congratulations Naomi,” dagdag pa ni Williams, na kalaunan ay sinabing kahanga-hanga ang inilaro ni Osaka.

Comments are closed.