US-PH PINAIGTING ANG CYBER-DIGITAL SECURITY

SA ginanap na dalawang araw na US-Philippines Cyber-Digital Dialogue sa Washington, DC nitong Hulyo 15-16, binigyang-diin ni DICT Secretary Ivan John Uy ang kahalagahan ng internasyonal na pagtutulungan sa pagpapahusay ng cybersecurity resilience ng bansa.

Kasama nina Uy sa nasabing pulong sina Ambassador Nathaniel Fick, Ambassador for Cyberspace and Digital Policy at Ambassador Steve Lang, US Coordinator for International Communications and Information Policy.

Tinalakay ng mga kinatawan mula sa gobyerno ng Pilipinas at US Department of State’s Cyberspace and Digital Policy Bureau ang mga banta sa critical infrastructure, National Cybersecurity Plan 2023-2028 ng DICT, at mga interbensyon sa pagbuo ng kapasidad ng cyber.

Isa rin sa paksa ng Cyber-Digital Dialogue ay ang International Digital Policy, Industry Engagement, at Trilateral Engagement sa pagitan ng Pilipinas at US sa mahahalagang lugar sa pakikipagtulungan sa ICT na kinabibilangan ng pagsulong sa 5G, 6G at Open RAN, cloud computing, at satellite connectivity at ang capacity building, digital policy and industry engagement ng bansa.

Pinangunahan ni Secretary Uy ang delegasyon ng Pilipinas kasama ang mga opisyal mula sa Cybercrime Investigation and Coordinating Center ng National Telecommunications Commission at National Privacy Commission.

Kabilang din sa official delegation ang mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs, Department of National Defense, Department of Trade and Industry, Department of Transportation – Office of Transportation Security, Philippine National Police, National Security Council, National Intelligence Coordinating Agency at Armed Forces of the Philippines.
Siniguro ng dalawang bansa ang pagpapalakas ng cyber defense nito at mas lalo pang pinaigting ang kooperasyon sa harap ng umuusbong na mga banta sa cyber. RUBEN FUENTES