INANUNSIYO ng Department of National Defense na nangako ang Estados Unidos na tutulong sa massive cleanup sa oil spill sa Oriental Mindoro.
Sa ulat ni Defense Secretary Carlito Galvez kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nakipag-usap na siya kay US Secretary of Defense Lloyd Austin at nangakong magtalaga ng mga naval units para tumulong sa clean-up operation sa lugar.
“I had a phone call last night with Sec. Austin at 7:45 p.m.They are committed to help in coordination with Japan and other countries,,” sabi ng DND chief.
Aniya, tiniyak ni Secretary Austin sa gobyerno ng Pilipinas na ang kanilang Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) team ay papunta na sa Pilipinas upang tumulong sa oil spill cleanup.
Sa katunayan, gaya ng kanyang inirekomenda, ang ilan sa mga exercise scenario ng nalalapit na ‘Balikatan’ Exercises ay magiging ‘totoong buhay’ at aktwal na operasyon ng HADR kaugnay ng oil spill.
Sinabi ni Galvez na ang gobyerno ng Pilipinas ay magpapatuloy rin sa paghingi ng kadalubhasaan at teknikal na suporta ng iba pang partner na bansa, tulad ng France at United Kingdom, sa pagpigil sa oil spill sa isla ng Mindoro.
“As of yesterday, the oil spill has already affected 32,661 families in MIMAROPA and Western Visayas. Although a total of Php28.3 million worth of humanitarian assistance alone from the government, LGUs (local government units), non-governmental organizations, and other partners, was already provided to the affected families, we will sustain these assistance to them,,” sabi pa ng kalihim.
Sa kanyang ulat, sinabi rin ni Galvez kay Pangulong Marcos na nagbigay na ng briefing ang Philippine Coast Guard (PCG) sa mga dayuhang nagpaabot ng tulong sa gobyerno sa isinasagawang clean-up operation sa Mindoro. Samantala, dumating ang Japanese salvage vessel na Shin Nichi Maru, isang remotely-operated vehicle (ROV), sa daungan ng Calapan sa Oriental Mindoro noong Lunes.
Ang ROV ay agad na inilagay sa lugar upang tumulong sa mga pagsisikap sa paglilinis.
Binanggit ni Galvez na ang Pamahalaang Panlalawigan ng Oriental Mindoro ay nangako na magbigay ng pang-araw-araw na pangangailangan (pagkain, gamot, at bitamina) sa PCG team na nagsasagawa ng off shore oil spill control at nagbibigay ng personal protective equipment (PPE).
Sinabi rin ng Kalihim na ang Incident Management Team (IMT) ay nag-ulat na inatasan ang Harbour Star at mga consultant na magpakita ng konkretong plano sa agaran at tamang pagtatapon ng mga nakolektang basura.
Noong Lunes, sakay ng BRP Bagacay, tumungo ang team sa pangunguna ni Oriental Mindoro Gov. Humerlito Dolor, PCG Commodore Geronimo Tuvilla at Office of the Civil Defense (OCD) Undersecretary Ariel Nepomuceno, sa natukoy na lugar ng lumubog na MT Princess Empress upang suriin ang kasalukuyang lawak ng oil slick sa paligid at nakapalibot na lugar.
Ang MT Princess Empress ay iniulat na naglalaman ng humigit-kumulang 800,000 litro ng industrial fuel oil nang sumadsad ito sa Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28 dahil sa problema sa makina at tuluyang lumubog.
EVELYN QUIROZ