Lumambitin matapos mag-dunk si Anthony Edwards ng USA laban sa Jordan sa huling araw ng group phase (Group C) sa 2023 FIBA Basketball World Cup kahapon sa Mall of Asia Arena. Kuha ni PETER BALTAZAR
NAKUMPLETO ng Team USA ang sweep sa Group C makaraang tambakan ang Jordan, 110-62, sa huling araw ng group phase sa 2023 FIBA World Cup kahapon sa Mall of Asia Arena.
Nanguna para sa Team USA si Anthony Edwards na may 22 points, 8 rebounds, at four assists, habang nagdagdag si Jaren Jackson Jr. ng 12 points, 6 boards, at 2 blocks.
Matapos ang 15-2 simula sa laro kasunod ng slam ni Edwards, dalawa mula sa kanyang kabuuang 13 first-quarter points, sinimulan ng Americans na ipakita ang kanilang dominasyon sa pagtarak ng 19 puntos na kalamangan, 31-12.
Lumobo pa ito sa hanggang 48, 106-58, matapos ang bucket ni Paolo Banchero, may isang minuto ang nalalabi sa fourth quarter.
Muling nagbida si Rondae Hollis-Jefferson para sa Jordan sa pagkamada ng 20 points at 7 rebounds.
Ang panalo ay ikatlo ng Steve Kerr-led squad, na opisyal na naglagay sa kanila sa ibabaw ng kanilang grupo.
Makakasagupa nila si Nikola Vucevic at ang Montenegro sa second round sa Biyernes.
Nahulog naman ang Jordan sa classification phase kung saan makakasagupa nila ang matatalo sa pagitan ng New Zealand at Greece.