(USAID tumulong na rin) AIR FORCE PATULOY NA SUMASABAK SA FOREST FIRES

HALOS masagad ang resources at pagod ng Philippine Air Force sa isinasagawang fire fighting operations sa Cordillera region bunsod ng mga nagaganap na forest fires.

Ayon kay Air Force Commanding General Lt. General Stephen Parreño, patuloy pa rin ang kanyang mga tauhan sa aerial fire suppression sa bulubunduking bahagi ng Cordillera.

Sinasabing tuloy tuloy ang heli bucket operations ng PAF para matulungan ang Bureau of Fire and Protection na maapula ang forest fire partikular sa kabundukan ng Benguet.

Inihayag ni PAF Public Affairs Office Chief Col. Ma. Consuelo Castillo, gamit ang kanilang Bell-205 helicopter, pilit na pinapatay ng kanilang mga tauhan ang apoy sa bundok upang hindi na ito kumalat mula sa nasusunog na bahagi ng Sayatan, Bokod, Karao at Banao.

Bukod sa Benguet, nag-deploy din ng helicopter ang PAF para sa kahalintulad na operasyon para sa pag-apula ng forest fire sa Solsona-Apayao Mountain Range sa Ilocos, Norte.

Kaugnay nito, nagpahayag na rin ng kahandaang tumulong ng United States Agency for International Development matapos na makipagpulong sa AFP Headquarters sa Camp Aguinaldo na agad na nagtungo sa Loakan Airport sa Baguio City sa lalawigan ng Benguet .

Nakipagkoordinasyon na rin sa Philippine Air Force-Tactical Operation Group 1, Civil Defense Cordillera, Bureau of Fire Protection at iba pang tanggapan para sa fire-suppression strategies sa kabundukan.

Pangunahing tatalakayin sa mga pagpupulong ay ang kasalukuyang update sa forest fire sa Benguet.

Nakahanay rin itong para sa meeting kasama ang Department of Environment and Natural Resources-CAR.

Sa isang pahayag, sinabi ng OCD na nananatiling aktibo ang USAID sa pagbabahagi ng kanilang istratehiya na may kinalaman sa paggamit ng heli buckets.

Ito ay bilang paraan upang maapula ang forest fire sa nasabing lalawigan.

Siniguro naman ng grupo mula sa Estados Unidos na handa sila sa anumang kapasidad na tumulong sa aerial suppression operations.

Sa ngayon ay hindi pa rin naapula ang forest fire sa Benguet at patuloy pa rin itong tinutugunan ng mga kinauukulan.
VERLIN RUIZ