SA pagtatapos ng taon, naging tampok sa USAPANG PAYAMAN sa DWIZ 882AM ang kawanggawa o pagtulong sa kapwa ng walang kapalit, pagtururo ng maliit na negosyo at maging sa aralin gayundin kung paano ginagamit ang oras upang kumita.
Sa huling linggo ng 2024, December 29, panauhin ng UPIZ882am sina Dr. Benjamin V. Ganapin Jr., founder ng BVG Foundation at Pangulo ng Rotary Club Cosmopolitan – Cubao at Teacher Erickcel Santos ng Rotary Club of New Manila West.
Naging sentro ng talakayan ang mga charity works ng RC gayundin ang adbokasya ng dalawang panauhin.
Kasabay ng pagsisilbi sa Rotary Club bilang Hope Creating President at ngayon ay nasa Magical Year na, patuloy ang pagpapalaganap ng kaalaman ni Dr. Benj kaugnay sa pagkakaroon ng maliit na negosyo at hindi lang dito sa Pilipinas maging sa ibang bansa at halimbawa nito ay ang kanyang natuturuan para sa mapa ng pagyaman ang ilang overseas Filipino workers sa Hong Kong, Japan at kamakailan ay sa Korea.
Sa katunayan, pinaghahandaan na ni Dr. Benj ang panibagong batch ng Bisyong Pagnenegosyo kung saan ang mga nagiging miyembro ang mga ina na nais magkaroon ng sariling kita.
Upang madagdagan ang kaalaman sa pagtatayo ng maliit na negosyo, hindi lang skills ang itinuturo ng Bisyong Pagnenegosyo kundi ang kaalaman din kung paano ito ima-manage at gamit ang kanyang isinulat na libro.
Si Teacher Erickcel naman na nagtuturo sa Sauyo Elementary School sa Novaliches, Quezon City ay ikinuwento ang everyday struggle subalit hindi kinukulangan ng enerhiya kahit pa araw-araw ay galing pa siya sa Calamba, Laguna.
Dahil taga-Rotary Club, adbokasya na niya ang tumulong at mahal niya ang pagtuturo kaya hindi nakakaramdam ng pagod kahit malayo pa ang inuuwian.
MAY MALIIT NA NEGOSYO SI TEACHER ERICK
Bukod sa pagiging Rotarian, lalo pang gumanda ang relasyon nina Doc Benj at Teacher Erick dahil nagkakaturuan ang mga ito sa pagnenegosyo.
Si Teacher Erick ay sinasamantala ang pagkakataon na itinda ang nilulutong mani ng kanyang esposa sa kapwa guro at sa eskwelahan kung saan siya nagtuturo.
Kaya naman kada pasok niya sa Quezon City, bitbit niya ang kanyang kalakal na mani at natutuwa siyang nagkakaroon ng income.
Sa isang oras na radio-TV-online show na UPIZ882 am, positibo ang mga mensahe ng dalawang guests at para sa kanila mas nakakagaan ng araw-araw na buhay ang pagkakawanggawa sa kapwa.
EUNICE CALMA-CELARIO
***
Ugaliing makinig at manood ng USAPANG PAYAMAN sa DWIZ 882am, 2-3PM tuwing Linggo, sundan din sa FB Pages DWIZ 882 at PILIPINO MIRROR at YT DWIZ 882. Ang mga host ay sina Cris Galit, Susan Cambri-Abdullahi at Eunice Calma-Celario.