USAPIN SA SWAB TEST AYAW NANG IPAUNGKAT NG PALASYO

SWAB TEST

PARA kay Presidential Spokesman Harry Roque, dapat nang isara at huwag nang ungkatin ang usapin sa bayarin ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa swabbing service ng Philippine Red Cross sa mga overseas Filipino worker (OFW).

Ayon kay Roque, na-address na ito nang pamahalaan at maituturing na closed na ang usapin.

Ginawa ni Roque ang pahayag makaraang may ulat na baka itigil na ng PRC ang swabbing services dahil lumobo na umano sa P800 milyon  ang bayarin ng state insurer sa mga ginawang testing sa mga OFW sa NAIA.

Depensa naman ni Roque na kaya tumaas ang bayarin ay dahil nag-Pasko at isa sa nagpatagal ay ang confirmation at ang payment scheme ng PhilHealth.

Paliwanag pa ng tagapgsalita ng Pangulo na ang pagkaantala ng bayarin ay dahil lamang sa proseso at hindi dahil sa bangkarote ang go-byerno.

“Alam mo kasi nag-Pasko naman kasi ano,  ang nagpapatagal lang diyan siyempre iyong confirmation na ginagawa, kasi iba rin iyong payment scheme ng PhilHealth, depende kung donated ang makina o ang mga test kits. So iyan pong delay na iyan ay dahil lang doon sa pagpo-proseso, pero ang pera po ay nariyan, hindi naman po bangkarote ang gobyerno. Kaya hindi po dapat magkaroon ng atubili kahit ano ang PRC na hindi sila mababayaran,” paliwanag ni Roque.

Gayunman, tiniyak ni Roque na ngayong tapos na ang holiday season ay mabilis na ang proseso ng payment kapag kumpleto ang papel habang nanawagan na isara na ang nasabing usapin dahil hindi aniya ito nakatutulong.

“Mabilis naman po ang proseso ng reconciliation, basta kumpleto ang mga papel. So, hindi po problema iyan ano. Pero paulit-ulit na po ito.  Pero palagi naman po silang nababayaran. Sana itigil na itong ganito, hindi nakakatulong ito sa ating bayan,” dagdag pa ni Roque. EVELYN QUIROZ

Comments are closed.