USD20-B INVESTMENT SA PINAS INAASAM NI SALCEDA SA GITNA NG US-CHINA TRADE WAR

Joey Salceda

INAASAM ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, House Ways and Means Committee chairman, ang $20 bilyong pamumuhunan sa Filipinas mula sa mga dayuhang kompanya na itinataboy ng lumalalang awayan ng China at US sa negosyo.

Matutupad umano ito sa pamamagitan ng masugid na pagsulong sa akmang mga panuntunan at estratehiya ng bansa.

Ayon kay Salceda, bagama’t nagdudulot ng takot ang ‘masalimuot na pandaigdigang kaguluhan’, nagbibigay rin ito ng magagandang pagkakataon sa mga bansang may matatag na sandigan ng ekonomiya gaya ng Filipinas.” Ang mambabatas ay isang ekonomista at respetadong ‘equity analyst’ sa Asia.

“Naniniwala akong kaya nating ambisyunin ang mga USD20-bilyong ‘foreigb direct investments (FDI) pagkatapos ng krisis sa Covid. Sa ngayon ay kayang-kaya natin ang USD10-bilyon. Makikipagpulong ako sa DTI at sa Finance Secretary para talakayin at i-target natin ang taunang $20 bilyon. Hindi ako masaya sa makitid na pangarap ng isang bansang mala-higante ang potensiyal,” pahayag niya.

“Tayo ang may pinakabatang ‘labor force’ sa ASEAN na lalo pang lumalaki. Mahusay magsalita ng Ingles at mahuhusay sa teknolohiya ang karamihan sa atin. Mahusay ang pamamahala sa pananalapi natin at malawak ang potensiyal ng ating ekonomiya. Sa pamamagitan ng masugid na pagsulong sa mga akmang panuntunan sa pamumuhunan, tiyak na matitiba natin ang malaking bahagi ng pandaigdigang pamumuhunan at negosyo para sa bansa,” paliwanag ng mambabatas.

Sa isang ‘budget interview’ kamakailan kay Trade Secretary Ramon Lopez, sinabi ni Salceda na nais niya ang higit na aktibong mga panuntunan sa pamumuhunan na gumagamit ng hindi pangkaraniwang mga sistema para umakit ng mga negosyo at pamumuhunan.

Inihain ni Salceda sa Kamara kamakailan ang panukala niyang Financial Technology Industry Development Act na naglalayong akitin sa bansa ang mga negosyong naglalayasan sa Hongkong dulot ng takot sa nakaambang  higit na paghihigpit sa kanila ng pamahalaang China.

Kasama sa mga panukala niya ang pagbibigay ng ‘special visa’ sa opisyal ng mga kompanyang ‘fintech’ at mamumuhunan na irerekomenda ng gubernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas. Nais din niya ng mabilisang pagsasabatas ng panukala niyang  ‘Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE)’ na aakit sa mga pamumuhunang dapat narito na sana ngunit nabalam ang paglipat dahil sa walang katiyakang mga panuntunan sa pananalapi ng bansa.

“Ang pagsasabatas ng CREATE ang pinaka-kailangan. USD12 bilyong pamumuhunan ang nawala na sa atin sa dalawang taong  nakaraan dahil sa pagkaantala nito. Kung maayos ang bersiyon nito ng Senado, tatanggapin na namin iyon sa Kamara kahit hindi na dumaan sa bicameral committeekumite,” dagdag niya.

Comments are closed.