USMAN NANALASA SA EASTERN VISAYAS

bagyong usman

NAITALA ang pagbaha sa ilang lugar sa Eastern Visayas kasabay ng pananalasa ng bagyong Usman.

Bagaman hindi pa nagla-landfall (as of 4PM kahapon) ang sentro ng bagyong Usman itinaas na rin sa ilang mga barangay sa Homonhon, Guiuan, Salcedo sa probinsya ng Eastern Samar, maging ang ilang bahagi ng Calbayog City at siyudad ng Tacloban.

Una nang sinabi ni National Disaster Risk Reduction Management Council Spokesperson Edgar Posadas, nasa 8,000 mga barangay ang kanilang minomonitor dahil sa madaling bahain at posibleng banta ng landslides.

Naka-red alert status na rin ang kanilang tanggapan at naka-stand ang emergency responders bago at paglabas ng bagyo.

Siniguro naman ng OCD-Region 8 na hanggang sa barangay level ang kanilang koordinasyon sa mga response agencies upang masigurong maipaabot mismo sa mga residente ng barangay ang kanilang mga advisories.

BILANG NG ISTRANDED PATULOY SA  PAGLOBO

Umabot naman sa 5,000 ang bilang ng mga stranded na pasahero sa iba’t ibang pantalanpantalan sa Eastern Visayas dahil sa epekto ng tropical depression Usman.

Ayon kay John Christian Cosico, ng Philippine Coast Guard, batay sa kanilang latest data, nasa 566 ang stranded sa Southern Leyte Port, 510 sa Western Samar Port at 325 sa Northern Samar.

Pinakamarami naman ang naitalang stranded sa Western Leyte Ormoc Port na kung saan umabot ito sa mahigit 3,000.

Nagdeklara naman ng suspensyon ng trabaho sa government offices sa siyudad ng Tacloban at sa ilang lugar sa probinsya ng Eastern Samar.

Ito ay kaugnay sa pagsailalim sa signal warnings sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng bagyong Usman.

Sinabi naman ni Director Edgar Posadas, tagapagsalita ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC), inihanda na nila ang mga evacuation centers lalo na sa mga nasa coastal areas, flood prone at landslide prone areas.

Nagbabala naman ito sa publiko na maging mapagmatyag at maghanda sa pagtama ng masamang panahon.     AIMEE ANOC

Comments are closed.