USO PA BA ANG REGALO?

PUSONG PANALO

SA hirap ng buhay, lalo na ngayong panahon ng pandemya, marami ang nagsasabing hindi na nga uso ang pagbibigay ng regalo. Ang simpleng pagbati ay sapat na, ayon sa iba.

Bukod pa rito, katanggap-tanggap na rin daw ngayon ang pagre-recycle ng regalo. Halimbawa, may natanggap kang isang bagay na hindi mo naman gustong gamitin o itago, maaari mo itong ibigay sa iba.

Ang iba naman ay nagbibigay ng donasyon sa isang charity para sa pangalan ng taong gustong regaluhan. Puwede rin ang pagtatanim ng puno at pagpapangalan ng punong ito sa taong pagbibigyan ng regalo.

May mga nagdadala ng mga donasyon o regalo para sa mga frontliners, kagaya ng pagkain, kape, mga masks o PPE, greeting cards, baked goods, at iba pa. Lahat ng ito ay siguradong ma-a-appreciate ng ating mga frontliners.

Uso rin ang hand-made gifts o mga regalong sariling-gawa, kagaya ng handmade crafts, drawings, awitin, o mga bagay na inihanda sa kusina: cookies, bread, cake, at iba pa.

Puwede ka ring mag-alay ng iyong serbisyo o oras. Halimbawa, puwede mong bantayan ang anak ng taong gusto mong regaluhan upang makapagpahinga siya sa loob ng 2 o higit pang oras. O kaya naman ay mamili para sa isang nakakatandang kapitbahay, o maglinis kaya ng kanilang bakuran. Ito ay ilan lamang na mga halimbawa.

Maaari ka ring gumawa ng Christmas card, mag-alay ng tula, gumawa ng playlist o video greeting–ang mga ito ay halos libre na. ‘Di na kailangang gumastos para sa regalo ngayong Pasko. Sa panahon ngayon, hindi ang mga materyal na bagay ang mahalaga. Mas importante ang panahon na kasama natin ang ating mga mahal sa buhay. At kung hindi man natin sila kapiling, ipabatid lamang natin sa kanila ang ating damdamin ay sapat na.

Comments are closed.