USONG DEKORASYON SA TAHANAN NGAYONG PAPALAPIT NA HALLOWEEN

Halloween-1

HINDI nga lang naman Pasko ang pina­kaaabangan ng marami sa atin. Gayundin ang Halloween. May ilang pamilya mang hindi gaanong pinaghahandaan ang Halloween, pero hindi rin naman mawawala iyong mga tao talagang nag-e-effort na pagandahin ang kanilang tahanan o kuwarto. May ilan namang empleyadong naglalagay ng dekorasyon sa opisina o sa kanilang lamesa.

Pinakaaabangan din ng ilang bata ang Halloween dahil bukod sa makapagsusuot sila ng costume, maaari pa silang makahingi ng mga candy at tsokolate sa kapitbahay o kamag-anak. May mga tahanan nga namang naghahanda ng tsokolate at candy para sakaling may tsikiting na kumatok ay mayroon silang maibibigay.

May mga subdivision ding pinag­hahandaan ang Halloween. Nag-iimbita sila ng mga bata na nakasuot ng costume, namimigay ng candy at tsokolate. May mga mall din namang nag­bibigay ng candy at tsokolate sa mga batang nagtutungo.

Kung tutuusin, kulturang banyaga ang “Trick or Treat” ngunit nakaugalian na rin ito ng mga Pinoy. Kaya sa mga Pinoy na gustong maglagay ng dekorasyon ngayong papalapit na Halloween, narito ang ilan sa simple at do-it-yourself tips:

STATEMENT PUMPKINS

STATEMENT PUMPKINSIsa ang pumpkin sa hindi puwedeng mawala kapag Halloween. Trade mark na yata ito ng Halloween. Madalas ding ginagamit ang pumpkin sa mga nakatatakot na palabas.

Kung mayroong Pumpkin costume, mayroon din namang pumpkin decorations. Nakahiligan na ng marami ang pag-ukit ng pumpkin para magkaroon ito ng mata at bibig. Maraming klase ng mukha ang puwede mong gawin mula sa pumpkin. Puwedeng sobrang nakakatakot, maaari rin namang hindi.

Pero bukod sa pag-ukit ng mukha sa pumpkin, puwede rin naman itong i-upgrade o i-level up. Kumbaga, puwede tayong gumawa ng iba pang dekorasyon. Isang halimbawa ang pagpi­pintura rito ng iba’t ibang kulay saka mo iaayos sa lugar kung saan mo nais na ilagay.

Maganda rin itong gawing centerpiece. Kumuha lang ng pumpkin at butasan ito sa gitna para magmukhang vase saka lagyan ng iba’t ibang kulay ng bulaklak. Hindi ba’t simple lang, may pang centerpiece ka na ngayong parating na Halloween!

FLOATING GHOSTS

FLOATING GHOSTHindi rin siyempre puwedeng mawala ang floating ghost sa magandang ipandekorasyon sa tahanan. Puwede mo itong ilagay sa kahit na saan mo maibigay. Maganda ring gumawa nito sa labas ng bahay. Kumbaga, ang dekorasyong ito ay hindi lamang para sa loob ng bahay, swak na swak din ito sa outdoors.

Maganda rin ang paggawa ng floating family ghosts.

FAMILY PUMPKINS

Kung nais mo naman ng pampamilyang dekorasyon, swak naman ang family pumpkins.  Para naman magawa ito, kailangan lamang ng iba’t ibang laki ng kalabasa o pumpkin. Bukod sa pumpkin, maghanda rin ng orange na pintura, wiggly eyes, black per-manent marker, at superglue.

Pinturahan ang mga kalabasa at patuyuin. Kapag natuyo na, maaari nang ikabit ang wiggly eyes gamit ang superglue. Guhitan ng nais na porma ng ngiti ang mga kalabasa at ready na ang inyong family pumpkins. Ang dami nito ay nakabatay sa rami nito sa pamilya.

MAGLAGAY NG ANTIQUES

Kapag sinabing antiques, kakambal ang mga kuwentong kababalaghan o katatakutan. May ilan na kapag nakakita ng antiques na gamit gaya na lang ng aparador o kaya naman candle holder, kung ano-ano kaagad ang naiisip.

At dahil isa sa nakatatakot ang antiques, puwedeng-puwede kang maglagay nito para ma-achieve mo ang nakatatakot na look.

Puwede kang mag­hanap ng candle holder na antique at ito ang ilagay sa pinakasentro ng lamesa. Para rin medyo madilim o nakakatakot ang lamesa, gumamit ng itim na table cloth. Maaari rin ang pagda­ragdag ng mga bulaklak para magkakulay ang lamesa.

Ilan pa sa magandang bagay na luma at nakatatakot na mainam pandekorasyon ay ang relo at maskara. Puwede rin naman ang spooky mirror.

SPIDERS

Spiders ang isa pa sa hindi puwedeng mawala sa dekorasyon kapag Halloween. Para naman makagawa nito, kaila­ngan lamang ng black fuzzy wire o manipis na pipe cleaner, isang maliit at black na pompoms, superglue, pares ng pu­ting butones o wiggly eyes.

Hatiin ang wire sa tatlong magkakaparehong haba, pagpatungin ang mga ito hanggang sa makabuo ng asterisk. Iporma ito at gawing paa ng gagamba.  Pagkatapos ay ikabit na ang black na pompoms at wiggly eyes.

SPOOKY HALLOWEEN BALLOON GARLAND

Kung may Christmas garland, mayroon din siyempreng Halloween balloon garland. Maganda rin itong pandekorasyon na tiyak na maiibigan ng iyong buong pamilya. Ang kailangan lang dito ay ang balloons na kulay orange, itim, silver at polka dots. Ayusin ang mga ito saka gawing garland. Para sa dag­dag na ganda, maglagay ng spider web.

POTIONS BOOK, WITCH HAT AT BROOM

Hindi rin siyempre puwedeng mawala ang potions book, Witch hat at broom. Kung ang witch costume ang isa sa kinahihiligan ng mga tsikiting, isa rin ito sa mainam gamiting pandekorasyon. Mag-isip lang ng lugar na puwedeng paglagyan nito gaya na lang sa isang corner ng sala.

Maraming paraan para maging “spooky” ang ating tahanan ngayong papalapit na Halloween. Tandaan ding sa pagdedekora-syon, hindi kailangang gumastos ng malaki. May mga paraan para makatipid.

Maghanap lang ng mga lumang bagay o gamit sa inyong tahanan at mag-isip kung paano ito magagamit para pandekorasyon.

Kung madiskarte ka nga naman, tiyak na mapagaganda mo ang iyong tahanan ngayong Halloween.  CS SALUD

Comments are closed.