(Ni CT SARIGUMBA)
MARAMING styles na naman ang tiyak na maglalabasan ngayong taon. Mga iba’t ibang styles na tiyak na tatangkilikin na naman, hindi lang ng mga fashionista kundi maging ng mga taong hindi naman gaanong in love sa fashion.
Sabihin mang hindi gaanong mahilig sumabay sa pagbabago ng fashion o outfit ang marami sa atin, kung nakita nilang bagay sa kanila ang isang damit o kasuotan ay bibilhin ito’t susubukang suotin.
Hindi lang naman din kasi dahil uso kaya natin sinusuot o binibili ang isang outfit, higit sa lahat ay kapag bagay ito sa atin. Aanhin nga naman natin ang usong outfit kung hindi ito bagay sa atin at mukha tayong trying hard sa pagsusuot. Imbes na maging maganda ang kabuuan natin, papalpak pa. Sayang lang ‘di ba.
Kasabay nga naman ng pagpapalit ng taon ay ang paglalabasan din ng mga usong damit.
May ilan na sumasabay sa uso. Kapag nalamang uso ang ganitong style o outfit, agad-agad na bibili. Kapag nagandahan sa suot ng kaibigan, kakilala o katrabaho, gagaya rin at bibili.
Kunsabagay, mayroon naman talagang pinipilit na sumunod sa uso. Takot na takot mapag-iwanan ng panahon. Samantalang ang iba naman ay nakadepende ang klase o susuoting outfit sa kung anong style ang gusto nila at bagay sa kanila. Hindi gaanong nakikisabay sa uso dahil may sarili silang style na bagay sa kanilang kabuuan.
Hindi rin naman kailangang makisabay tayo sa usong outfit lalo na kung alam mong hindi ito babagay sa iyo.
Gayunpaman, sa mga nais malaman kung anong outfit ang swak ngayong 2019, narito ang ilan sa magiging uso:
RED OUTFIT
Kung mayroon man isang outfit na maganda tingnan at nakapagbibigay ng ‘attitude’ o karakter sa nagsusuot, iyan ay ang mga outfit na kulay pula.
Hindi lamang din kasi ito nakapuputi. Higit sa lahat ay nagiging sopistikada rin ang kababaihang nagsusuot nito.
At ngayong taon, swak ang nasabing kulay kaya’t tiyak na makikita ito sa mga store, gayundin sa online.
Kaya kung may red outfit ka, ilabas na iyan at tiyak na kakailanganin mo ‘yan sa taong ito kung gusto mong makisabay sa uso.
OVERSIZED HATS
Sa ngayon, hindi na mabilang ang mahihilig o nagsusuot ng sombrero. Hindi lang din kasi ito ginagamit na pangontra sa lamig o init kundi pamporma rin ito.
Iba rin kasi ang dating ng sombrero sa isang nagsusuot. Nakadaragdag nga naman sa ganda ng kabuuan.
At ngayon taon, isa rin ito sa magiging uso. Maging lalaki o babae ay nahihilig dito. Sandamakmak na styles at kulay rin ang maaaring pagpilian.
FANCY FLATS
Hindi nga naman buo ang look ng isang babae kung walang sapatos. Ngayong taon, hindi pa rin mawawala sa uso ang fancy flats.
Marami na nga naman ang nauusong flats ngayon na may magagandang design. Komportable rin itong suotin. At higit sa lahat, swak ito sa kahit na anong okasyon at panahon.
Bagay rin ang fancy flats sa dress, shorts, pants, leggings at skirts.
ANIMAL PRINTS
Magkakaroon pa rin ng malaking impact ngayong taon ang animal prints. Isa ito sa biggest trends noong 2018 at ngayong taon ay papatok pa rin sa panlasa ng mga fashionista.
Hindi rin naman kasi maitatanggi ang kagandahan ng animal prints lalo pa’t nakapagbibigay ito ng karagdagang tiwala sa sarili na isang nagsusuot.
Swak din ang animal print suotin sa opisina man o eskuwelahan. Mayroon din namang scarf na ang design ay animal prints na puwedeng pandagdag-ganda sa isang simple o plain lang na outfit.
Tiyak na marami na namang mauusong outfit ngayong taon. Gayunpaman, ang pinakamagandang outfit pa rin na puwede nating suotin ay ang ‘tiwala sa ating sarili’. Dahil kung kulang o wala tayong tiwala sa ating sarili, kahit na anong suotin natin ay hindi tayo mamukod-tangi at mapapansin ng marami.
Sa pagpili rin ng outfit—uso man o hindi— dapat ay komportable tayo sa ating susuotin. Kung hindi bagay sa atin ang isang outfit, huwag nating pilitin.
Comments are closed.