INIHAYAG ng United States Indo-Pacific Command sa mga inilabas na larawan ang pagsasanay kasabay ng paglalayag ng Carrier Strike Group One na pinangungunahan ng USS Carl Vinson (CVN 70), sa Philippine Sea sa bahagi ng Surigao Strait.
Naglayag ang Nimitz-class aircraft carrier USS Carl Vinson (CVN 70) na may lulan na karagdagang anim na F-35C Lightning II aircraft na nakatalaga sa “Argonauts” ng Strike Fighter Squadron (VFA) 147, na bahagi ng Carrier Air Wing FIVE.
Sinasabing dumaan ang Carrier Strike Group One na binubuo ng Nimitz-class aircraft carrier USS Carl Vinson (CVN 70), USS William P. Lawrence(DDG 110), USS Sterett (DDG 104), at USS Princeton (CG 59) sa may Surigao Strait isang makipot na bahagi ng karagatan na nasa pagitan ng Leyte at Mindanao.
Batay sa inilabas na larawan ng USS Carl Vinson, nasa strike formation ang mga warship habang dumadaan sa naturang karagatan.
Pinaniniwalaang tinahak nito ang bisinidad ng West Philippine Sea (WPS) bilang bahagi ng kanilang open sea maritime patrol.
Walang detalye o malinaw na impormasyong inilabas ukol dito, kung saan naglagay naman ang INDOPACOM ng caption na ‘Free And Open Indo Pacific’, kasabay ng pasasalamat sa mga sundalo nito dahil sa kanilang nagpapatuloy na commitment sa sakripisyo lalo na ngayong holiday season.
Ang VFA-147 ay nag-operates mula U.S Marine Corps Air Station Iwakuni, Japan. Ang U.S. Indo-Pacific Command forces ay nagsasagawa ng kanilang operation sa loob at paligid ng critical sea passages at trade thoroughfares para mapigilan ang anumang banta na lilikha ng regional instability at nakasasagabal hinggil sa malayang pagdaloy ng kalakalan ng mga tao at ideas.
VERLIN RUIZ