SA pagkakataong ito ay walang nakapigil sa University of Santo Tomas, pinataob ang Far Eastern University, 24-26, 25-20, 25-21, 25-14, sa Finals decider upang kunin ang women’s crown ng V-League Collegiate Challenge kahapon.
Muling bumuhos ang confetti sa Philsports Arena, subalit sa pagkakataong ito, ang V-League throne ay balik sa Tigresses makalipas ang 14 taon.
Ang UST ay huling naghari noong 2010, kung saan ginabayan ni Shaq delos Santos, ngayon ay isa sa pinagkakatiwalaang assistants ni coach Kungfu Reyes, ang koponan na pinangunahan nina Aiza Maizo, Maru Dimaculangan at playmaker Rhea Dimaculangan.
“Na-experience namin na mag-champion ulit sa V-League. Nakaka-overwhelming ang tuwa namin,” sabi ni Reyes.
Sa pagkakataong ito ay sina Reg Jurado, kumana ng championship-clinching kill, tournament MVP Angge Poyos, at Finals MVP Cassie Carballo ang nagdala sa kampanya ng Tigresses, na nanalo sa best-of-three series, 2-1.
“Unang-unang goal ko talaga is makatulong sa team. Thankful ako at nakuha namin ang championship,” ani Poyos.
Sa kabila ng pagkatalo, magandang kampanya pa rin ito para sa Lady Tamaraws, na nakopo ang ikalawang sunod na V-League second place.
Noong nakaraang Miyerkoles ay bumuhos ang confetti nang mapaaga ang pagdiriwang ng UST, subalit nanalo ang FEU sa last-second challenge at nagbago ang buong complexion ng Game 2.
Ito ang nag-iisang talo ng Tigresses sa torneo makaraang manalo ng siyam na sunod.
Umiskor si Poyos ng 31 points sa 29-of-68 kills at 2 blocks, at nagtala ng 8 receptions, habang nagdagdag si Jurado ng 15 points, kabilang ang 2 service aces, para sa Tigresses.
Gumawa si Carballos, na siya ring Best Setter ng torneo, ng 19 excellent sets at 2 aces.
Nagtala si Congo’s Faida Bakanke ng 16 points, kabilang ang 4 blocks, habang bumanat si Jean Asis ng 2 blocks para sa 12-point outing para sa Lady Tamaraws.