NAISAAYOS ng University of Santo Tomas at Far Eastern University ang title showdown sa V-League Women’s Collegiate Challenge makaraang dispatsahin ang magkahiwalay na katunggali kahapon sa PhilSports Arena sa Pasig City.
Winalis ng UST ang defending champion College of Saint Benilde, 25-23, 25-15, 25-20, habang nakopo ng FEU ang unang championship berth matapos ang sweep din sa University of the East, 25-20, 25-19, 25-21.
Tumapos si Angeline Poyos na may 16 points, kabilang ang 14 attacks, nang pangunahan ang Golden Tigresses sa kanilang ika-8 sunod na panalo.
Umiskor si Regine Grace Jurado ng 12 points, habang nag-ambag sina Jonna Chris Perdido at Mary Margaret Banagua ng tig-11 points.
“They just stuck to the system. The harmony in the team is there. They were able to fulfill their tasks so that’s a good indication why we are in the finals,” wika ni UST coach Kungfu Reyes.
Nanguna si Rhea Mae Densing para sa dethroned Blazers na may 10 attacks at 2 blocks, habang nagdagdag si Wielyn Estoque ng 11 points.
Samantala, humataw si Chenie Tagaod ng 18 points, kabilang ang 12 attacks, 3 blocks, 3 aces at 11 excellent digs para sa Lady Tamaraws.
“We’re happy. Although there were many lapses, we quickly found ways,” sabi ni FEU team captain Christine Ubaldo, na nagtala ng 6 points at 15 excellent sets.
Nagbida si Cassiey Dongallo para sa Lady Warriors na may 13 points at 8 excellent digs.
Nakatakda ang Game 1 ng best-of-three finals sa Sept. 29 sa alas-3 ng hapon, habang maghaharap ang UE at St. Benilde para sa bronze medal sa alas-12 ng tanghali.