GUMAWA ng kasaysayan ang mga Singers ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST) sa pagkapanalo ng Grand Prize sa 2024 Grieg International Choir Festival. Sila ang unang Filipino at Asianong grupong nagkamit ng prestihiyosong parangal sa sampung edisyon ng kumpetisyon.
Tinalo ng UST Singers ang 31 choir mula sa 10 bansa sa pagdiriwang na ginanap mula Setyembre 26-29 sa Bergen, Norway.
Nakamit din nila ang unang pwesto sa Mixed Choir category kung saan tinalo nila ang siyam na iba pang choir mula sa Norway, Sweden, Latvia, Poland at Slovakia.
Muntik na ring maiuwi ng UST Singers ang Folk Music category ngunit kinulang sila ng 0.33 puntos kung saan ang nanalo ay ang Czech Republic sa score na 24.
Sa pangunguna ni Fidel Calalang Jr., nakamit ng UST Singers ang mga sumusunod na parangal:
GRAND PRIX WINNER; First Place, Mixed Choir (24.33 points); 2nd Place, Folk Music (23.67 points)
Itinatag noong 1992 ni Prop. Calalang Jr., ang UST Singers ay isang multi-awarded mixed choral ensemble na binubuo ng mga estudyante at alumni mula sa iba’t ibang kolehiyo ng pinakamatandang unibersidad sa Asya, ang Pontifical and Royal University of Santo Tomas.
Nakamit ng grupo ang maraming internasyonal na parangal mula sa kanilang 37 International Concert Tours kabilang ang makasaysayang tatlong sunod na panalo sa Choir of the World Championships sa UK at isang Grand Prize sa Florence International Choral Competition sa Italya.
Inawit ng UST Singers ang mga kilalang komposisyong Pilipino sa Grand Prix round ng Grieg festival kabilang ang “Sagayan” na gawa ng award-winning na kompositor na nakabase sa Amerika, si Nilo Alcala batay sa tradisyonal na musikang kulintang ng Timog Pilipinas.
Ipinakita rin ng Philippine choral group ang “Daluyong,” isang alay sa mga biktima ng Super Typhoon Yolanda na nanalanta sa bansa noong 2013. Ito ay likha ni Ily Matthew Maniano at ang mga liriko ay isinulat ni Joey Vargas.
Ayon sa Department of Foreign Affairs sa Norway, lahat ng pagtatanghal ng UST Singers ay pinalakpakan ng mga manonood.
“Norwegian and international music enthusiasts marveled at the UST Singers’ mastery of the songs as well as their entertaining choreography in some of the numbers.”
Sinaksihan ni Philippine Ambassador to Norway Enrico Fos at ang kanyang asawa, si Myla ang nasabing palabas.
“It was a proud moment for the Philippines and the Filipinos here in Norway and elsewhere to witness a world-class performance of the UST Singers” ani Fos.
RUBEN FUENTES