UTAK NG FAKE NEWS SA PNP WANTED SA ACG

KASALUKUYAN nang kumikilos ang Philippine National Police –Anti-Cyber Crime Group (PNP-ACG) upang tuntunin ang naglabas sa social media na si PNP-Directorate for Operations, Maj. Gen. Rhodel O. Sermonia ang susunod na magiging hepe ng Pambansang Pulisya.

Kumalat sa social media nitong nakalipas na linggo na agad itinanggi ni Sermonia at sinabing may nais lamang magbigay ng malisya sa kung sino man ang ipapalit ng Pangulong Rodrigo Duterte kay PNP Chief Gen. Guillermo Eleazar na magreretiro sa Nobyembre 13 dahil narating na nito ang mandatory age of retirement na 56.

Pinabulaanan ni Sermonia ang ulat sa isang social networking site at tinawag nitong malisyoso at hindi ito galing sa kanyang kampo.

Ikinokonsidera rin ni Sermonia na isang pananabotahe ang insidente at nilalagyan ng malisya kung sino man ang ia-appoint ng Pangulong susunod na hepe ng Pambansang Pulisya.

“This is to inform the public that this post never came from us. It is malicious and we take offense from whoever orchestrated this. We believe this is the work of saboteurs who wish to put malice on the President upcoming appointment of the new Chief PNP,” post ni Sermonia sa kanyang Facebook account.

Binalaan din ni Sermonia ang taong nasa likod ng false information.

“To those who want to put in harms way the candidates for the top most position, I warn you that you will be held accountable for your crime.”dagdag pa ni Sermonia.

Nauna rito, itinanggi ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año na nakapili na ang Pangulong Duterte ng kapalit ni Eleazar.

“Fake news iyan,” tugon ng Kalihim sa kumalat sa social media na umano’y imbitasyon ng PNP para sa retirement honors and change of command ceremony na itinakda sa Nobyembre 12, isang araw bago ang mismong retirement ni Eleazar.

Inamin ni Año na noong Nobyembre 2 ay isinumite na niya sa Pangulong Duterte ang limang pangalan ng police generals na maaaring pagpilitan para maging ika-27 PNP chief. EUNICE CELARIO