BUMAGSAK sa kamay ng pulisya ang utak sa paggawa ng pekeng vaccination cards sa isinagawang entrapment operation ng Pasay City police Martes ng hapon.
Kinilala ni Pasay City police chief Col. Cesar Paday-os ang suspek na si Marcelo Cabansag y Baysac a.k.a. Marque, 28-anyos, graphic artist, residente ng No. 366 F. Rosario Street, Brgy. 59, Pasay City.
Base sa report na isinumite kay Paday-os, nadakip si Cabansag sa inilatag na entrapment operation ng Intelligence Section ng Pasay City police dakong ala-5:30 ng hapon sa No. 32 P. Arnaiz Avenue, Libertad, Brgy. 94, Zone 11, Pasay City.
Ayon kay Paday-os, ang pagkakaaresto kay Cabansag ay bunsod sa naunang pagkakahuli sa dalawang transport barker na nagbebenta ng mga pekeng vaccination cards kamakalawa sa kahabaan ng Apelo Cruz St., Barangay 151, Pasay City dakong ala-6:30 ng gabi na kinilalang sina Alex Batayan, 39-anyos, residente ng 515 M. Felix, St., Malibay, Pasay City, at Eddie Garcia, 46-anyos, ng 524 Espiritu St., Cabrera, Barangay 143, Pasay City,.
Sinabi ni Paday-os na makaraang makakuha ng impormasyon kina Batayan at Garcia ang Station Intelligence Section (SIS) ng Pasay City police ay agad nagkasa ng entrapment operation na nagresulta naman ng pagkakaaresto kay Cabansag na walang maipakitang katibayan na siya ay pinapayagan na magprint-out ng Pasay City vaccination card.
Narekober sa posesyon ni Cabansag ay 2 pirasong pekeng COVID-19 vaccination card, 1 set ng computer na may 2 printer, 1 laminator machine, photocopier na may printer, iba pang materyales sa pagprint at dalawang P100 marked money na ginamit sa entrapment operation.
Napag-alaman din sa imbestigasyon na ito lamang Enero ay nakagawa na ng 50 pirasong pekeng vaccination cards si Cabansag na naibigay kina Batayan at Garcia na naibenta sa halagang P500 ang bawat isa.
Sina Batayan at Garcia ay sinampahan ng kasong paglabag sa Article 2 Revised Penal Code in relation to RA 11332 (fake vaccination card) habang si Cabansag naman ay sasampahan ng kasong paglabag sa Falsification of Public Documents in relation to RA 11332, Sec. 9, Paragraph (b).
Nagpaalala naman si Paday-os sa mga residente na siguruhing lehitimo ang kanilang makukuhang vaccination cards na hindi basta na lamang manggagaling sa kahit saang computer shop o iba pang retail na establisimiyento dahil may posibilidad na makasuhan din sila pag nadiskubreng peke ang kanilang hawak na vaccination card. MARIVIC FERNANDEZ