NUEVA ECIJA – ILANG oras bago mailibing si Fr. Richmond Nilo ay nadakip na ng pulisya ang prime suspect sa pagpaslang sa alagad ng simbahan sa bayan ng San Isidro.
Ito ang kinumpirma ni PNP chief, Dir. Gen. Oscar Albayalde at kinilala ang killer na si Adell Roll Milan.
Sinabi ng PNP chief, na naaresto ng mga pulis si Milan sa Barangay Malapit, San Isidro na sakop ng nasabing lalawigan, alas-6:30 ng gabi noong Huwebes.
Ang nadakip na suspek ay kinilala ng altar boy ni Nilo.
Una nang inihayag ng PNP na tatlo ang posibleng motibo na iimbestigahan ng Special Investigation Task Group sa pagpatay sa pari.
Ang mga ito ay away sa lupa, pagtulong ng pari sa biktima ng pangmomolestiya, at alitan sa relihiyon.
Sa record, naihayag din ni Albayalde na limang indibiduwal ang kanilang kinukonsiderang persons of interest sa pagpatay sa pari.
Samantala, bumuhos ang mga nakiramay at nakipaglibing kahapon sa Cabanatuan City.
Hiling ng mga parokyano ni Fr. Nilo na dapat mabigyan ng hustisya ang pagpaslang sa nasabing pari. EUNICE C.
Comments are closed.